Nagpalabas ang Sandiganbayan ng gag order laban sa limang kandidato sa pagkapangulo na nagbabawal sa kanila na banggitin sa alinmang forum o debate ang kasong isinampa ng gobyerno laban kay dating Metro Rail Transit 3 (MRT-3) General Manager Al Vitangcol III.

Pinagbigyan ng anti-graft court ang gag order petition ni Vitangcol matapos na idetalye umano ng Liberal Party presidential candidate na si Manuel “Mar” Roxas II ang mga kaso laban sa kanya sa ikalawang presidential debate na idinaos sa Cebu City nitong Marso 20.

Iginiit ni Vitangcol na ang mga pahayag ni Roxas sa nasabing debate ay “prejudicial” sa mga kasong kinakaharap niya kaugnay ng maanomalyang maintenance contract ng MRT 3.

Iniuugnay si Roxas sa nasabing kaso bilang dating kalihim ng Department of Transportation and Communication (DoTC).

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Sa ikatlo at huling pagkakataon, muling maghaharap ang limang kandidato sa pagkapresidente sa isang debate ng Commission on Elections (Comelec) sa Dagupan City, Pangasinan sa Linggo.

“In order to protect the right of the accused and the integrity of this court in the administration of justice, let all the presidential candidates be prohibited from publicly accusing Mr. Vitangcol of criminal act included in the information of this case,” sabi ni Associate Justice Samuel Martires.

Bukod kay Vitangcol, may limang iba pa ang nahaharap sa dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Reform Act matapos na ilegal umanong igawad ang MRT-3 maintenance contract sa PH Trams-CB&T joint venture. (Ben R. Rosario)