Posibleng ang matinding init na nararanasan sa bansa ang dahilan ng pagliliyab ng pitong provincial bus na nakagarahe sa terminal nito sa Pasay City, nitong Martes ng hapon.

Sa ulat ni Pasay City Fire Department chief, Supt. Douglas Guiyab, sinabi niyang pasado 3:00 ng hapon nang biglang nagliyab ang pitong unit ng Five Star Bus Company na nasa garahe ng kumpanya sa Don Carlos Revilla Street.

Umabot sa unang alarma ang sunog at ganap itong naapula ng mga bombero dakong 3:40 ng hapon.

Ayon kay Guiyab, isa sa posibleng dahilan ng pagliyab ng mga bus ay ang matinding init na nararanasan sa Metro Manila. Hinihinalang nag-init ang makina ng pitong bus, lalo na kung wala ito sa kondisyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayuhan ng opisyal ang mga driver na suriin ang kondisyon ng kani-kanilang sasakyan bago bumiyahe at pagkatapos maigarahe upang maiwasan ang sunog o kaparehong insidente.

Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), pumalo sa 34.5°C hanggang 38.8 °C ang temperatura sa Pasay nitong Martes.

Gayunman, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente. (Bella Gamotea)