HINDI umano takot si VP Jojo Binay kay Mayor Rodrigo Duterte. Nagbanta si Binay, a.k.a Rambotito, kay Duterte, a.k.a Punisher, na dapat humanda ang machong alkalde na “lumuhod at magdasal” kapag siya (Binay) ang nahalal na pangulo sa Mayo 9. “Bilang na ang mga araw mo,” banta ni Rambotito na ginamit pa ang paboritong salita nina FPJ at Erap (Joseph Estrada) sa mga pelikulang kanilang ginampanan.

“The law will soon catch up with you,” dugtong ni VP Binay kay Mayor Digong, na tinawag pa niyang “Mr. Butcher who kills children and the poor.”

Sa tindi ng banatan ng dalawa, habang umiinit ang papalapit na halalan, sina Rambotito at Punisher ngayon ang nasa limelight (tabi muna sina Mar Roxas at Grace Poe), binabantaan ang isa’t isa at nagsisiraan sa harap ng publiko.

Binantaan din naman ni Mayor Duterte si VP Binay na ipakukulong at “paghihimasin ng rehas na bakal” kapag siya ang naging pangulo. Sagad hanggang leeg daw ang isyu ng kurapsiyon laban kay Binay kung kaya’t nanginginig ang mga kamay nito dahil umano sa pagbibilang ng ninakaw na bilyun-bilyong piso mula sa kabang-yaman ng bayan. Pinasubalian niya ang akusasyon ni Binay na siya at ang Davao Death Squad (DDS) ang nasa likod ng pagpatay sa Davao. Ang Commission on Human Rights at Department of Justice umano mismo ang naglinis ng kanyang pangalan nang si Leila de Lima pa ang CHR chairperson.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Kailanman ay hindi ako pumatay ng mga babae o bata. I have never killed an innocent person.” Gayunman, inamin ni Digong na binaril at napatay niya ang isang kriminal na dumukot sa isang teenager. Sa Dipolog City, na saklaw ng Mindanao na balwarte umano ni Duterte, ipinakita ni VP Binay sa mga tao na dumalo sa plaza ang mga larawan ng kabataan na umano’y pinapatay ni Duterte. Ito ay ang magkakapatid na Alia: Richard, 18; Christopher, 17; at Bobby, 14, na pinatay umano ng DDS noong 2001 at 2002.

Sa balitaktakan ng dalawang senior presidentiables, sinabi naman ni Sen. Grace na lahat ng krimen ay dapat siyasatin subalit dapat na ituon ang proseso ng hustisya at hindi ang paghihiganti. Sa Pili, Camarines Sur, sinabi ni Poe na “We should investigate any issue of corruption or abuse. But a President must be fair and give the parties due process.”

Sa gitna ng kritisismo tungkol sa paghirang niya kay Duterte bilang anti-crime czar kapag siya ang nahalal, sinabi ni Poe na ito ay hindi isang endorsement sa patakaran ng alkalde ng pagpatay o extrajudicial killings. Kailangan aniya na sundin ang tamang proseso ng batas at hindi basta-basta namamaril at pumapatay dahil sa suspetsa o hinala.

Siyanga pala, ang salitang Tagalog na KILIG ay kasama na ngayon sa March 2016 Edition ng Oxford English Dictionary (OED). Sa kahulugan na inilagay ng OED sa “Kilig”, ito ay bilang adjective at noun, na “shudder” o “thrill.” Bilang adjective, ito ay “a person feeling exhilarated by an exciting or romantic feeling.” Bilang noun, kilig “refers to exhilaration or elation caused by an exciting or romantic experience”. Well, inuso kasi ng Aldub ang kilig feeling.

Pero, kinikilig ba kayo sa nalalapit na eleksiyon o kinakabahan? (Bert de Guzman)