Halos magkagutay-gutay ang katawan ng isang 78-anyos na lalaki at ng paslit niyang apo makaraan silang masabugan ng granada na hawak ng huli sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, nitong Lunes ng gabi.

Sa report kay Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, kinilala ang mga biktima na sina Geronimo Decillo, 78, biyudo; at Vincent Velasquez Decillo, 13, estudyante, kapwa residente ng No. 40 Daang Bakal, 8th Avenue, Barangay 56, ng nasabing lungsod.

Agad na nasawi si Lolo Geronimo, habang binawian naman ng buhay ang apo habang dinadala sa ospital.

Sa report nina PO3 Noel Bollosa at PO2 Cezar Garcia, dakong 8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng mga biktima.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Kuwento ni Catherine, kaanak ng mga biktima, nakita niya si Vincent na may hawak na itim na bakal at paakyat sa silid nito na katabi ng kuwarto ng matanda, sa ikalawang palapag ng bahay.

Makalipas ang ilang sandali, nakarinig sila ng pagsabog at nang akyatin nila ang kuwarto ng dalawa ay duguan at wala nang malay ang mga ito.

“Hindi ko naman po alam na granada na ang hawak ni Vincent. Nagulat na lang kami sa lakas ng pagsabog,” ani Catherine.

Nag-iimbestiga na ang pulisya kung saan nakuha ni Vincent ang granada. (Orly L. Barcala)