Bumitiw na ang vice presidential candidate na si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa presidential bet na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kasabay ng panawagan sa standard bearer ng PDP-Laban na maging sensitibo sa mga biktima ng karahasan matapos ang kontrobesiyal na komento nito sa isang Australian missionary na ginahasa at pinatay.
Sa panayam, sinabi ni Marcos na kinakailangang maging sensitibo si Duterte lalo na sa sitwasyon ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen, at maituturing umanong “inappropriate” ang pahayag ng alkalde.
Binatikos din ni Marcos at ng katambal niyang si Sen. Miriam Defensor Santiago si Duterte na hindi umano karapat-dapat sa pagkapangulo dahil sa mga iresponsableng pahayag.
Iginiit pa ni Bongbong na galit man o biro lang ang naging pahayag ni Duterte ukol sa rape victim ay sumasalamin ito sa pag-iisip ng alkalde.
Matatandaang nilapitan ni Marcos si Duterte para maging running mate nito, ngunit pinili ng alkalde si Sen. Alan Peter Cayetano.
Sa unang debate para sa mga vice presidentiable, nagpatutsada si Marcos na sa kanya umano ibibigay ni Duterte ang pampanguluhan sakaling mawala ito sa puwesto, at hindi sa running mate na si Cayetano. (Bella Gamotea)