Ni Bella Gamotea

Inulan ng batikos mula sa mga netizen ang presidential candidate na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa pagbibiro sa isang Australian rape victim matapos niyang ihayag na siya dapat ang unang nakapuntos sa biktima, sa pangangampanya niya sa isang lalawigan.

Sa isang video sa YouTube nitong Abril 16, nagkuwento si Duterte sa harap ng publiko tungkol sa panghahalay sa isang dayuhan na nauwi sa katatawanan.

 “Ni-rape nila lahat ang babae... So, ang unang casualty, ang isa dun ‘yung lay minister na Australyana. Tsk, problema ito. Australyana, eh!,” pahayag ni Duterte na lumabas sa video. 

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“’Pag labas, binalot. Tiningnan ko yung mukha. P****a, parang artista sa Amerika na maganda. P****a, sayang ito!

“Ang pumasok sa isip ko... ni-rape nila! Pinagpilahan nila! P****a ‘yan, nagalit na ako. Kasi ni-rape? Ah, oo. Isa na rin yun,” dagdag pa ng alkalde. “Napakaganda, dapat mayor muna ang mauna.”

Iginiit ng mga netizen na ang isyu ng panggagahasa ay isang sensitibong usapin at hindi dapat na maging katawa-tawa.

Isa sa komento ng netizen na biro man o hindi, ito ay hindi katanggap-tanggap.

“My God! Walang respeto sa ating mga babae,” saad sa isa sa mga komento.

Napapahanga ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta sa pamamagitan ng kanyang mga kuwentong seksuwal at karahasan na nagpapamalas na handa siyang ipatupad ang “kamay na bakal” laban sa kriminalidad sa gitna ng kanyang pangangampanya.

Sa isa pang video sa YouTube noong Abril 12, ginawa ring katatawanan ni Duterte ang kanyang dating kasambahay na umano’y ilang beses nang minolestiya.