Dinakip ng mga tauhan ng Intelligence Section ng Parañaque City Police ang isang Malaysian sa tinutuluyan nito sa nasabing lungsod dahil sa kinakaharap na kasong libelo na isinampa ng isang kontratista.
Kinilala ang suspek na si Ederine Gee Geneblazo, 44, residente sa Lot 7 Block 28 C. Tuazon St., Valley Golf Subdivision, Antipolo City.
Sa ulat ng pulisya, dakong 3:00 ng hapon ng Abril 9 nang arestuhin ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC) Branch 196 Judge Artemon Luna II kaugnay sa kasong libelo na inihain ni Joseph T. Marquez, ng Acasia Builders, Inc., na may tanggapan sa Oyster Industrial Complex NAIA Avenue.
Nag-ugat ang kaso nang tumanggi umano si Geneblazo na bayaran ang balance sa ipinagawang mansiyon kay Marquez.
Iginiit ni Marquez sa korte na sa pagpapalitan ng email message sa pagitan ni Geneblaze at kanyang kapatid, binansagan ng babaeng negosyante ang kontratista na “lump of shit.”
Nitong Lunes pansamantalang nakalaya ang suspek matapos itong magpiyansa ng P30,000. (Bella Gamotea)