INIHAYAG ng tanging binatang Pangulo ng Pilipinas na siya ay nag-eempake na upang lisanin ang Malacañang. Mga ilang linggo na lang ang pananatili niya sa kanyang trono sa Palasyo na nasa tabi ng Ilog-Pasig. Sa Hunyo 30, iiwan na niya ang kapangyarihan upang isalin ito sa bagong mahahalal na pangulo. Sana naman ay tuparin mo Mr. President, ang pangakong ikaw ay mag-aasawa na.

Sinasabing sa tagumpay ng isang lalaki, laging nasa likod nito ang isang babae. Ito ay isang katotohanan na mahirap pasubalian. Gayunman, may mga babae ring nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan batay sa kanilang kakayahan at katalinuhan. Halimbawa rito ay sina Teresita Sy-Coson at Robina Gokongwei-Pe, na napabilang sa listahan ng Forbes Magazine’s Most Powerful Women in Asia.

Ang dalawang dilag, este businesswomen, ay kapwa Chinese-Filipino. Si Sy-Coson, 65, ng SM Group ay panganay na anak ni taipan Henry Sy. Siya ang hepe ng Banco de Oro Unibank, pinakamalaking bangko ngayon sa Pilipinas. Si Gokongwei-Pe naman, 54, ay panganay ni taipan John Gokongwei. Siya ang pangulo at chief operating officer ng Robinson’s Retail Holdings Inc. (RRHI). Kabilang sina Teresita at Robina sa hanay ng “50 Most Powerful Women in Asia”. Papaano ito, hindi kaya under the saya ang kanilang mga ginoo?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

***

Sinibak sa puwesto ang North Cotabato provincial police director na si Sr. Supt. Alexander Tagum dahil sa karahasang naganap sa Kidapawan, North Cotabato na ikinamatay ng tatlong tao at ikinasugat ng maraming iba pa dahil sa protesta ng mga magsasaka. Batay sa mga report, maging ang mga buntis na babae, bata at matatanda ay kabilang sa mga hinuli at ikinulong ng pulisya sa Kidapawan. Sigaw nila: “Bigas!” ngunit ang ganti sa kanila ay mga bala.

Nagtataka si Sen. Ralph Recto kung bakit nagmamaktol (tantrum) ang China tungkol sa isyu ng ilang Chinese na nasasangkot sa pagnanakaw o $81-million cyber-heist. Ayon sa ginoo ni Batangas Gov. Vilma Santos, walang katwirang mag-tantrum ang China sapagkat hindi naman ang gobyerno nila ang inaakusahan dito.

Nag-react si Recto sa pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesman Lu Kang dahil sa pagtawag sa kanya na iresponsable dahil sa pagkakasangkot niya sa Chinese hackers sa pagkawala ng $81 milyon deposito ng gobyerno ng Bangladesh sa Federal Reserive Bank of New York.

Pahayag ni Recto: “We are used to China’s tantrums. They need not hyperventilate on this issue.”

Tinanong ako ni senior-jogger kung ano ang ibig sabihin ni Mr. Recto. Tugon ko na hindi dapat magmaktol ang China dahil hindi naman ang gobyerno nila ang sangkot sa pagnanakaw kundi ilang Chinese citizens na sanay sa anomalya at pagsusugal.

Naniniwala ang 91-anyos na si Sen. Juan Ponce Enrile na mahihirapan si Mayor Rodrigo Duterte na masugpo nang ganap ang kriminalidad, drug pushing-trafficking, rapist-murderers, kurapsiyon sa gobyerno sa loob lamang ng tatlo hanggang anim na buwan. Ito raw ay magagawa lamang ni Mayor Digong kung magdedeklara siya ng martial law.

(Bert de Guzman)