mvp copy

Tumataginting na P200 milyon ang gagastusin ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) para sa hosting ng FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5-10, sa MOA Arena.

Nakalululang halaga, ngunit para kay SBP President Manny V. Pangilinan, hindi matatawaran ng anumang milyones ang maidudulot na kasiyahan at karangalan sa sambayanan na maisakatuparan nang maayos at mapayapa ang torneo.

“Worth of P200 million. That’s how much we love this country,” pahayag ni Pangilinan, kinikilalang negosyanteng Pinoy na may pagpapahalaga sa sports development sa bansa.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bahagi ng gastusin ang accommodation para sa mga dayuhang koponan na sasabak sa QQT, kabilang ang world-class team France at New Zealand, gayundin ang pagsasanay ng Gilas Pilipinas na magtatangkang makasungkit ng Olympic slots sa naturang torneo.

Binubuo ang France, two-time European champion, ng mga pamosong NBA player katulad nina Tony Parker at Boris Diaw ng San Antonio Spurs, Nicholas Batum ng Charlotte Hornet at Rudy Gobert ng Utah Jazz.

Sa kabila ng milyones na gastusin, iginiit ni Pangilinan na pang-masa ang presyo ng game tiket upang tuluyang masiyahan ang publiko para suportahan ang kampanya ng Philippine Team.

Maliban sa VIP, patron, at lower box seat na sadyang mamahalin, mabibili ang upper box tiket sa halagang P400, habang ang general admission ay P200 para sa kabuuan ng torneo.

“It’s to ensure access to all fans,” pahayag ni MVP Sports Foundation president Al Panlilio sa isinagawang media conference kahapon sa Manila Peninsula.

Ayon kay Panlilio, chief operating officer para sa local organizing committee, makabibili ng advanced ticket simula sa Abril 26.

Mabibili ang VIP ticket sa halagang P10,000 sa group stage at tataas sa P12k sa semifinals, at P14k sa final, habang ang Patron ticket ay P8,500 sa group stage, P10k Final Four, at P12k sa final round.

Ang lower box ticket ay P6,800, P8k, at P10k.

May mabibili ring season pass para sa buong pitong araw ng torneo sa halagang VIP – P47,000, P39k sa patron, at P31,500 sa lower box.

Para sa mga hindi makapupunta sa venue, mapapanood ang mga laro ng live sa TV5.

“Rest assured, we will have a very great event, much better than what we’ve hosted in the past,” paniniyak ni Panlilio.