KASING-INIT ng araw ang tindi ng bakbakan ng mga kandidato sa pagkapresidente ngayong eleksiyon na idaraos sa Mayo 9, 2016. Tinawag ni Mayor Rodrigo Duterte si ex-DILG Sec. Mar Roxas na isang “bayot”. Salitang Cebuano ito na ang ibig sabihin, ayon sa kaibigan kong taga-Cebu, ay “bakla.”
Mayor Digong, dahan-dahan ka sa pagsasalita at baka magaya ka kay boxing icon Sarangani Rep. Manny Pacquiao na nandusta sa LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender) community kaya binira siya ng mga bakla at lesbian sa ‘Pinas, partikular na sina Boy Abunda, Vice Ganda, Aiza Seguerra. Sa US nga ay muntik nang sapukin si Pacquiao ng isang Amerikano na tumawag sa kanya ng “homophobic” habang papunta siya sa sasakyan matapos kumain sa isang restaurant doon.
Si VP Jojo Binay naman ay tinawag niyang “corrupt” at puno ng political dynasty na ang buong pamilya ay nakaupo sa mga puwestong pambayan. Si Sen. Grace Poe ay tinawag niyang cute ngunit “nobatos” o baguhan na salat pa sa pamamahala ng gobyerno. Hindi niya tinira si Sen. Miriam Defensor-Santiago na hindi makakampanya dahil may sakit.
Bilang ganti, tinawag ni Roxas na sinungaling at killer si Duterte. Hindi naniniwala ang ginoo ni Korina Sanchez na masusugpo ni Digong ang kriminalidad, drug pushing/trafficking, at kurapsiyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Si Sen. Grace ay itinuring naman ni Sec. Mar bilang madrama bunsod ng laging “pagpapaawa” sa mga mamamayan at sa Supreme Court (SC) na ang isa bang “foundling” o pulot ay walang karapatang maging mamamayang Pilipino at maglingkod sa bayan.
Sa panig ng ampon nina FPJ at Susan Roces, tinawag niya si Roxas na incompetent. Si Binay ay sagad hanggang leeg ang kurapsiyon , at si Digong ay parang walang respeto sa kababaihan. Sa isang political ad sa FB at TV, nag-uusap ang mag-inang Susan at Grace tungkol sa tunay na paglilingkod sa bayan. Ang sabi ni Susan, pinalaki nila ni FPJ si Pulot bilang isang mabuting mamamayan kaya kapag siya ang nahalal ito ay dapat maglingkod sa bayan ng buong katapatan kaya dapat tratuhin ang bawat Pilipino, kaibigan man o hindi, nang naaayon sa batas.
Pinagtiyap kaya ng tadhana na matindi rin ang init at problema na dinaranas ngayon ng taga-oposisyon mula sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan? Si Sen. JV Ejercito, anak ni ex-President at ngayo’y Manila Mayor Estrada ay ipinaaaresto ng Sandiganbayan bunsod ng kasong kurapsiyon sa pagbili ng mga baril para sa San Juan noong siya pa ang alkalde. Hinala ni Pareng Erap, baka siya ang isunod na ipadakip.
Si Sen. Bongbong Marcos ay kinasuhan na rin sa Ombudsman ng isang grupong kung tawagin ay iBalk ang Bilyones ng Mamamayan (iBBM) dahil sa pagtanggap umano ng P205 milyong PDAF mula sa P10 bilyong pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles. Si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at tatlong anak ay napasama sa tinatawag na “Panama Papers” hinggil sa mayayamang personalidad na naglagak umano ng kanilang santambak na yaman sa ibayong dagat.
Hindi kumikibo si President Aquino. Pero alam ng lahat na kontrang-kontra siya sa kandidatura ni Bongbong na ngayon ay nangunguna sa vice presidential surveys ng Pulse Asia, Social Weather Station, MBS-DZRH atbp. Kwidaw ka Mr. President dahil kapag nagwagi si Bongget, este Bongbong, at namatay ang nakaupong pangulo ng bansa, siya ang magiging pangulo at “Happy days are here again with the Marcoses”. Suriin, si Kris Aquino ay nakahandang iwanan ang showbiz dahil mawawala na sa puwesto si PNoy. Samantala, kung sino man kina Binay, Duterte at Poe ang manalo, may posibilidad na kasuhan si PNoy at siya ay makukulong din katulad nina GMA at Erap!