HINDI ko alam kung ang taumbayan ba ang ayaw magpatawad kay dating Pangulong Gloria Arroyo. Mayroon siyang karamdaman na naging sanhi ng pagbagsak ng kanyang katawan. May edad na rin siya para mamintina pa ang dating malusog na kalusugan sa mula sa pagkaka-hospital arrest sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.
Pinatitikim na lang siya ng ganda ng isang malayang tao sa pagbibigay sa kanya ng ilang araw base sa kanyang kahilingan. Bakit hindi siya maaaring makalaya katulad ni Sen. Enrile na pansamantalang pinalaya dahil sa “humanitarian ground” gayong pareho naman, o hindi nagkakalayo, ang kanilang mga kaso laban sa mamamayan? At dapat tratuhin din si dating Pangulong Gloria katulad ng pagtrato ng taumbayan sa mga nakasama niya nang magmalabis siya sa bayan.
Tingnan ninyo ang kalagayan nina Senate President Drilon at dating Senador Pangilinan na animo’y nakabuti pa sa kanila ang ginawa nila para sa dating Pangulo Arroyo. Ang pagkapanalo ng Arroyo laban kay Fernando Poe, Jr. ay dahil umano sa dayaan at anomalya. Para lang magwagi, dinaya umano niya ang halalan sa maanomalyang paggamit ng pondo ng bayan, at nang busisiin ng Kongreso bilang National Board of Canvassers (NBC) ang mga Certificate of Canvass (COC), nadiskubre ang mga kamalian dito na nagbigay ng malaking kalamangan kay Arroyo. Mahigpit na tinutulan ng kampo ni Da King ang pagtanggap sa mga COC at hiniling na iitsapuwera ang mga ito para huwag mabilang ang mga boto para kay Arroyo. Pero ano ang naging pasiya ng NBC na pinamunuan ni Sen. Pangilinan? “Noted,” wika ni Pangilinan sa lahat ng mga pagtutol na ginawa ng grupo ni Da King.
Nang lumabas ang CD kung saan nakikipag-usap si dating Pangulong Gloria kay dating Comelec Commissioner Gracillano na lamang ang una ng isang milyong boto, nagliyab sa galit ang mamamayan. Nagsulputan ang mga kilos-protesta laban sa kanya. Hindi siya pinatulog ng mga kasong isinampa laban sa kanya sa Kongreso para mapatalsik siya sa puwesto. Sa gitna ng nag-aalab na galit ng mamamayan kay dating Pangulo Gloria, ganito ang sinabi ni Senate President Drilon: Kung ayaw ng mga taga- Maynila sa inyo Gng. Pangulo, tumungo po kayo sa Iloilo dahil dito ay mahal na mahal namin kayo.
Nagwagi si Sen. Drilon sa kanyang ikalawang termino at naging Senate President pa. Kandidatong muli sa pagkasenador sina Drilon at Pangilinan. Sa lahat ng survey na lumabas, alinman sa Pulse Survey o Social Whether Station, nasa loob ng Magic 12 ang dalawa sa mga mananalo. Kung ganito tinatrato ng taumbayan sina Drilon at Pangilinan na kasabwat ni dating Pangulong Gloria sa kanyang pagkapanalo laban kay Da King, hindi ako naniniwala na hanggang ngayon ay galit pa ang mamamayan sa kanya at hindi pa siya kayang patawarin. Katunayan nga, sinabi ni Sen. Grace Poe, kandidato sa pagkapangulo at anak-anakan ni Da King, na walang dahilan para hindi niya hingan ng tulong ang dating Pangulo.