NATUPAD ang lahat. Tanghali ng Huwebes Santo noong 1999, nang patugtugin at awitin, sa unang pagkakataon, ang “Awit kay Sta. Maria Jacobe” sa bahay ni Kakang Kiko Bautista (sila ang hermano noon). Salamat kay propesor Nonoy V. Diestro at sa kankupan ng musikang kanyang inilapat sa tulang aking ginawa.
At ang awit kay Sta. Maria Jacobe ay naging bahagi na ng buhay ng angkan ng “Pugo” tuwing Mahal na Araw. Isang awit na habang kinakanta ay naroon ang diwa ng pagkakaisa at ang matapat na pagmamahal kay Sta. Maria Jacobe.
Huwebes Santo noong 2000, muling inawit nang may buhay at damdamin ang awit kay Sta. Maria Jacobe sa bahay ni Kakang Elang B. Samson, nanay ni Dr. Diko Sonny B Samson. Nag-ibayo ang kasiyahan ng angkan ng “Pugo” noong panahong iyon sapagkat nagkaroon na ng bagong karosa si Sta. Maria Jacobe. Ginagamit na sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Pagkabuhay.
Ang awit kay Sta. Maria Jacobe ay naging dalawa sapagkat nilapitan ako ni Diko Dr. Sonny B. Samson. Sinabi niya sa akin na parang may kulang pa matapos awitin ang kanta kay Sta. Maria Jacobe at ang Rosario Cantadda. Ayon kay Diko Sonny, sana raw ay magkaroon pa ng isang awit na parang closing song para kay Sta. Maria Jacobe. Sabi ko sa kanya, “Sa isang taon, matutupad ang pangarap ni Diko Dr. Sonny B. Samson para kay Sta. Maria Jacobe.
Kuwaresma noong 2001, sinulat ko ang isa pang tula para kay Sta. Maria Jacobe. Katulad ng dati, palibhasa’y inspirasyon ko si Sta. Maria Jacobe at sa patnubay ng Dakilang Lumikha, nabuo ko ang ikalawang tula para kay Sta. Maria Jacobe. Binuo lamang ng dalawang saknong ang tula ngunit nakapaloob naman ang diwa at damdamin ng awit. Ipinadala ko kay Propesor Nonoy V. Diestro ang tula at ibinilin ko at hiniling na gawing masigla ang musikang kanyang ilalapat at nagtagumpay naman si Propesor Diestro.
Huwebes Santo noong 2001, sa bahay ni Rizal board member Arling B. Villamayor, sa Bloomingdal subdivision, Barangay San Pedro, inawit at tinugtog sa unang pagkakataon ang ikalawang awit para kay Sta. Maria Jacobe. Palibhasa’y masaya ang himig, hindi naiwasang mapasayaw ng mga umawit. At paulit-ulit na kinanta ang awit para kay Sta. Maria Jacobe.
Narito ang bahagi ng ikalawang tula na nilapatan ng awit para kay Sta. Maria Jacobe: “MARIA JACOBE ng bayang Angono/ Ang iyong palinap ipagkaloob mo/ Sa angkan ng ugo na ‘di-magbabago/ ang pagkaskaisa nang dahil sa iyo./ MARIA JACOBE sa iyo pong tanglaw/ Ang aming pag-asa’y laging nabubuhay/ MARIA JACOB sa iyong tangkilik/ Ang angkan ng Pugo’y busog sa pag-ibig/ Ang angkan ng Pugo’y busog sa pag-ibig/ Ang angkan ng Pugo’y busog sa pag-ibig.