Taliwas sa ibinabandera ng mga leader ng Liberal Party, sinabi ng isang kaalyado ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na mangangamote ang pambato ng administrasyong Aquino na si Mar Roxas sa kanilang lalawigan.

Ito ang pagtitiyak ni dating Candaba Mayor Jerry Pelayo, kilalang kaalyado ni Arroyo, na nagsabing malabong manalo si Roxas sa Pampanga sa kabila ng pag-endorso ni Pangulong Aquino sa dating kalihim ng Department of Interior and Local Government.

Si PNoy ang itinuturong nasa likod ng paghahain ng sandamakmak na kaso laban kay Arroyo na nagbunsod ng pagkakapiit ng dating Pangulo.

“Hindi makakalimutan ng Kapampangan ang ginawa ng administrasyon sa kanilang mahal na pangulo na si former president Arroyo,” pahayag ni Pelayo.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City matapos kasuhan ng plunder dahil sa umano’y paglustay sa milyon-pisong halaga ng intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) simula 2008 hanggang 2010.

Base sa isang survey na isinagawa sa kanilang lugar, sinabi ni Pelayo na nakakuha lang si Roxas ng 6.8 porsiyento mula sa kabuuang boto kumpara kay Vice President Jejomar Binay na umani ng 47 porsiyento.

“Kahit sa Candaba lang, matatalo si Mar,” giit ni Pelayo.

Una nang nilinaw ni Pampanga Gov. Lilia Pineda na bagamat nagdeklara siya ng suporta sa mga kandidato ng administrasyon, hindi ito nangangahulugan na susuportahan niya ang kandidatura ni Roxas.

Ayon sa ulat, kasado na rin ang suporta ni Angeles City Mayor Edgardo Pamintuan kay PDP-Laban standard bearer Davao City Mayor Rodrigo Duterte. (Franco G. Regala)