HALOS mahigit dalawang linggo na ang balitang ito, ngunit ang epekto sa damdamin ng mga Pinoy, abutin man ng maraming taon, ay nananatili pa ring sugat. Katulad na lamang ng pagdapurak ng China sa mga saging na nagmula sa ‘Pinas na para na ring dinapurak ang ating pagkatao.

Nangangahulugan ito na magkaroon lamang ng mapagkakakitaan, iluluwas pa rin ng Pilipinas kahit ang mga bulok na saging sa ibang bansa. Pero ang tanong, bulok nga ba o pangit at hindi nakaabot sa pamantayan ng mga Tsino ang iniluluwas nating saging? Ito ay pag-alipusta lamang sa ating bansa.

Ano ang pahayag dito ng ating gobyerno? Ganon na lamang ba? Hindi ba natin aalamin kung talaga ngang mababang-uri o mga bulok ang nasabing produkto?

Matagal na tayong tinatambakan ng mga produktong buhat sa naturang bansa na bukod sa peke ay talagang nakasasama sa ating kalusugan. Kung minsan pa ay nakalalason at nagiging dahilan ng malaking aksidente.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Niluluwasan nila tayo ng mga produktong pampaganda na sa halip na makaganda sa ating mga kababayan ay nagiging dahilan pa ng pagkapinsala.

Tuwing papalapit ang Pasko ay tinatambakan nila tayo ng mga Christmas light at iba pang dekorasyong Pamasko na bukod sa mababa ang uri ay nagiging sanhi rin ng sunog.

Hindi ba’t maraming bahay ang nasunog dahil sa mga patapong Christmas light na itinambak dito ng mayabang na bansang iyon?

Tapunan tayo ng mga nabubulok na karne, tambakan tayo ng bigas, bawang, luya, sibuyas at iba pa na ang iba ay halos bulok na pero ang aksiyong ginagawa ng ating gobyerno? Wala tayong reklamo. Tameme lamang ang nagsisipamuno sa atin.

Iyan marahil ang dahilan kung bakit ginagawa tayong kakaning-itik ng ibang bansa.

Kawawa na nga ang ating bansa sapagkat pinagsasamantalahan ng ilang tiwaling lider, tapos inaapi pa tayo ng mga bansang dayuhan.

Talagang kawawa na ang mga Pinoy maliban siguro kay PNoy. (Rod Salandanan)