NOONG nakaraang Sabado ay kaarawan ng dakilang makata na sumulat ng “Florante at Laura” at tinaguriang “Sisne ng Panginay”. Dahil dito ay nagdaos sa Orion, Bataan ng isang makasaysayan, makabuluhan at pambihirang pagdiriwang.

Tampok sa nasabing pagdiriwang ang tinaguriang “kampo Balagtas” na dinaluhan ng mga estudyante mula sa high school sa iba’t ibang bayan at lalawigan. Isang kampo ito na kinapulutan ng aral at dunong ng nasabing mga estudyante.

Ang naging punong-abala sa nasabing okasyon ay ang pamahalaan ng probinsiya ng Bataan. Hindi lamang si Gov. Albert Garcia ang naroon. Naroon din ang iba pang mga opisyal ng gobyerno partikular na ang mga namumuno at tauhan ng Turismo sa Bataan. May mga alkalde rin at opisyal. Mayroong mga guro, opisyales ng barangay at ilang alagad ng sining.

Sa talumpati ni Gov. Garcia ay tinanggap niya ng buong puso ang mga estudyanteng nagsidalo. Sinariwa niya ang mga aral ni Francisco Balagtas na inilarawan nito sa kanyang “Florante at Laura.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maraming natutuhan ang mga nagsidalong estudyante.

Ngunit higit na naging makasaysayan at makabuluhan ang nasabing okasyon sapagkat naroon din ang gabay, at inspirasyon ng panulaang Tagalog at ang Komisyoner ng Komisyon ng Wikang Filipino, si Kgg. Virgilio Almario.

Sa pananalita ni Gg. Almario ay binigyan niya ng diin ang kahalagahan ng pagiging malikhain. Malikhain sa lahat ng bagay lalung-lalo na sa sining ng pagsusulat.

Nais niyang bigyan ng bigat ang kahalagahan ng pagiging malikhain at pagsisikap. Maraming naantig sa kanyang pananalita. Maraming aral na napulot at natutuhan.

Tulad ni Gg. Almario ay hindi rin nalimutan ni Gov. Garcia ang mga dakilang Bataenyo na naging tampok at kinilala sa larangan ng panulat. Mga taga-Bataan na nagbigay ng pangalan at karangalan sa naturang lalawigan sa pamamagitan ng kanilang ‘di matatawarang yaman ng panitik.

Sa kabuuan, ang pagdiriwang ng Araw ni Balagtas ay naging matagumpay, sa tulong din at pgsisikap ni Gg. Mark Castro ng governor’s office. (Rod Salandanan)