Umaasa si Vice President Jejomar Binay na bubuti ang kalusugan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, na nagdiwang ng kanyang ika-69 kaarawan kahapon.

Nagsagawa ng motorcade at nakipagpulong si Binay, standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA), sa tinaguriang “GMA country” nitong Lunes kasama ang kanyang mga kapartido at tagasuporta.

“Sana po ay gumaling na sa lalong madaling panahon ang ating Pangulo at sana at matapos na ho ang kanyang kaso (na) matagal nang nakabimbin ‘yun motion to bail. Sana nadesisyunan na,” pahayag ni Binay.

Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City kaugnay ng kasong plunder na kinahaharap nito na may kinalaman sa umano’y paglulustay ng milyong pisong halaga ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong termino niya, taong 2001-2010.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kasalukuyang nakararanas ng degenerative bone disease na nakaaapekto sa kanyang gulugod, naghain ng motion to bail si GMA sa Sandiganbayan.

Si Binay ay kabilang sa mga kritiko ni Arroyo subalit ngayo’y ‘tila nagbago na ang hihip ng hangin.

Sa kanyang pag-iikot sa Pampanga simula nitong Pebrero, sinamahan si Binay ng mga personalidad na kilalang malapit kay Arroyo, kabilang sina Quezon City Rep. Danilo Suarez at dating Finance Secretary Margarito Teves, na ngayo’y treasurer ng UNA. (Ellson A. Quismorio)