KANDIDATO sa pagkapangalawang pangulo si Sen. Bongbong Marcos. Statistically tied sila ni Sen. Chiz Escudero sa unang puwesto, ayon sa huling survey ng Social Weather Station (SWS). Kaya, napakalaki ng pagkakataon na magwagi siya. Alam naman ninyo na gapintig ng puso ang pagitan ng pangalawang pangulo at pangulo.
Nasabi na ni Sen. Marcos na wala siyang dapat ihingi ng paumanhin sa taumbayan para sa nagawa ng kanyang ama na si Pangulong Ferdinand Marcos nang ito ay manungkulan. Napaunlad daw nito ang bansa. Hayaan na raw ang kasaysayan ang maggawad ng kapasyahan sa naging papel nito sa bayan.
Ang problema, ayaw ipaubaya ni Sen. Marcos sa kasaysayan ang paghuhusga sa kanyang ama. Kumakandidato pa lang siya sa pagkabise-presidente, eh, nais na niyang baguhin, o baluktutin, ito. Sukat ba namang magpalabas siya ng komiks bilang kanyang propaganda at pinalalabas na ang kanyang pamilya pa ang biktima ng kaapihan.
Sa panahon ng ama ni Sen. Marcos, ang lahat ng kanyang magagawa sa tangan niyang kapangyarihan ay ginamit laban sa kanyang mga kalaban upang manatili lamang siya sa pwesto. Nang tumakbo siya para sa ikalawang termino, binaligtad niya ang kaban ng bayan para sa kanyang kandidatura. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ating pulitika, nagdeklara siya ng tatlong araw na holiday bago maghalalan. Ang nangyari, naipit sa bangko ang salapi ng kanyang mga kalaban na gagamitin sa kampanya at pambayad sa mga leader at election inspector. Eh, ano pa ang inaaasahan na magiging bunga kundi ang magwagi siya.
Dahil ginamit ng ama ni Sen. Marcos ang salapi ng bayan para manalo, hirap ang gobyerno na maibigay ang pangangailangan ng mamamayan. Grabe pa ang naging epekto ng kalamidad noon, dahil nalubog sa baha ang malaking bahagi ng Gitnang Luzon. Nagutom ang taumbayan. Pinutakte ng kilos-protesta ang administrasyong Marcos tulad ng ginawa ng mga magsasaka sa Kidapawan City. Hinagisan ng dalawang granada ang miting de avance ng Partido Liberal sa Plaza Miranda na ikinasawi ng maraming tao. Sumabog sa iba’t ibang lugar sa Maynila ang mga bomba na ikinasawi at ikinasugat ng mga inosenteng sibilyan.
Sinuspinde niya ang Writ of Habeas Corpus upang mangdakip ng mga lider-estudyante, propesyonal, manggagawa at magsasaka. Pagkatapos ng isang taon, idineklara niya ang Martial Law dahil sa pekeng ambush kay Enrile. Ang sumunod ay maramihan nang pagdakip, pagpatay at pagdukot sa mga ang reklamo lang ay gutom at kawalan ng katarungan. Hindi ka makadaing kapag inagaw ang pinaghirapan mong ari-arian. Gusto ba nating mabura o mabaluktot sa aklat ng kasaysayan ang pinakamalagim na bahaging ito ng ating buhay bilang bansa? Mawawalan ng gabay ang mga susunod na henerasyon kapag nanalo si Sen. Marcos. (Ric Valmonte)