Umapela ang mga hog raiser at rice trader kay Pangulong Aquino na lagdaan ang panukalang Anti-Large Scale Agricultural Smuggling Act na ipinasa na ng Kongreso.

Umaasa si Abono Party-list Rep. Conrado Estrella III, may akda ng naturang panukala, na agad na lalagdaan ito ni Aquino bago ang pagtatapos ng termino nito sa Hulyo 1.

Batay sa panukala, iginiit ni Estrella ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga sangkot sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultura, na may malaking epekto sa lokal na industriya.

Nakasaad sa isang bersiyon ng panukala na inaprubahan ng Kamara na kakasuhan ng economic sabotage ang mga smuggler kung ang halaga ng kanilang ipinuslit na bigas ay aabot sa P10 milyon o higit pa.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Subalit sa panukala ni Estrella, maaari nang kasuhan ng economic sabotage ang mga magpupuslit ng mga produktong agrikultura na nagkakahalaga ng P1 milyon pataas. Saklaw ng panukala ni Estrella ang bigas, asukal, mais, baboy, poultry products, bawang, sibuyas, carrots, isda at gulay.

Mahaharap sa parusang pagkakakulong nang habambuhay o pagmumultahin ng doble sa halaga ng mga smuggled agricultural product, bukod pa sa halaga ng buwis, duties at iba pang bayarin, ang mga lalabag. (Ben Rosario)