Ilang oras na isasara ngayong Linggo, Abril 3, ang Roxas Boulevard sa Maynila upang bigyang-daan ang Road Sharing Exercise ng Bayanihan sa Daan Movement.

Batay sa inilabas na traffic advisory ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na ang road closure ay mula sa T.M. Kalaw Street hanggang P. Ocampo Street, simula 3:00 ng umaga hanggang 8:00 ng umaga.

Kaugnay nito, magpapatupad ng traffic re-routing scheme ang MDTEU para maiiwas sa masikip na trapiko ang mga motorista.

Ayon sa MDTEU, lahat ng sasakyang mula sa Bonifacio Drive na nais dumaan sa southbound lane ng Roxas Boulevard ay kailangang kumaliwa sa P. Burgos Avenue patungo sa destinasyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Lahat naman ng sasakyan na magmumula sa mga Jones, McArthur at Quezon Bridges na patungo sa southbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat na dumiretso sa Taft Avenue, habang ang lahat ng bibiyahe sa westbound lane ng P. Burgos Avenue ay dapat kumanan sa Bonifacio Drive o mag-U-turn sa eastbound lane ng P. Burgos Avenue.

Samantala, ang mga behikulong bibiyahe sa westbound lane ng TM Kalaw Street patungong Roxas Boulevard ay pinapayuhang kumaliwa sa M.H. del Pilar Street o kaliwa sa Roxas Boulevard Service Road.

Ang mga sasakyang bibiyahe sa westbound lane ng U. N. Avenue patungong Roxas Boulevard ay kakaliwa sa M.H. del Pilar Street o kaya sa Roxas Boulevard Service Road, patungo sa destinasyon.

Ang mga sasakyan namang dadaan sa westbound lane ng President Quirino Avenue patungong Roxas Boulevard ay dapat kumaliwa sa Adriatico Street, kanan sa P. Ocampo Street, at kakaliwa sa FB Harrison Street patungo sa destinasyon.

(MARY ANN SANTIAGO)