MATATANDAAN pa marahil ng marami nating kababayan na noong kalagitnaan ng Enero 2016 ay ibinasura o hindi nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino ang panukalang-batas na magdaragdag ng P2,000 sa pensiyon ng SSS (Socila Security System) members. Ang dahilan at katwiran: mababangkarote o mauubos ang pondo ng SSS at makokompromiso ang 31 milyong SSS members.
Dahil sa pagbasura sa SSS pension bill, ang elitista at haciendero nating Pangulo ay inulan ng matinding batikos hindi lamang ng mga nagalit at nadismayang SSS pensioners at senior citizen kundi pati na ang kanilang mga anak, kamag-anak, at mga apo. Hindi rin siya nakaligtas sa ilang obispo at mga alagad ng simbahan. Gayundin sa pangunahing author ng SSS pension bill na si Party List Congressman Neri Colmenares.
Manhid at walang puso umano ang Pangulo sa mga SSS pensioner at senior citizen. Ngunit, nitong Marso 24 ( Huwebes Santo), naiba ang hihip ng hangin sa ulo ng Pangulo sapagkat nagpakita siya ng malasakit sa mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) sa paglagda niya sa Republic Act 10754 o ang Malasakit Bill para sa kapakanan ng mga PWD.
Sa pagsasabatas ng PWD bill, natuwa at nagbunyi ang 1.5 milyon nating kababayan na may kapansanan sapagkat tulad mga senior citizen at SSS pensioner, may 20 porsiyento na silang discount sa mga gamot na kanilang bibilhin, sa mga sasakyan, medical at dental services, sa restaurant, mga sinehan at mga concert hall. Bukod dito, exempted din ang mga PWD sa 12% value-added tax sa ilang mga bilihin.
Ang pangunahing author ng PWD bill ay si Leyte Congressman Martin Romuladez na lubos ang pasasalamat kay PNoy. Bukod kay Congressman Romualdez, ang iba pang nagsulong ng PWD bill ay sina Marikina Congressman Miro Quimbo, Senador Sonny Angara, Ralph Recto, Bam Aquino, at Nancy Binay.
Nang maisabatas ang PWD bill, hindi naiwasan ng inyong lingkod na maalala ang awiting “Doon Po Sa Amin”. Ang Filipino folksong na ito ay karaniwang inaawit noon ng mga lola at ina sa pagpapatulog ng bata.
Narito ang ilang bahagi ng awitin: “Doon po sa amin, bayan ng San Roque/May nagkatuwaan apat na pulubi./ Nagsayaw ang PILAY/ Tumugtog ang PIPI/ Nanood ang BULAG/ Nakinig ang BINGI.”
Sa panahon ngayon, ang apat na pulubing may kapansanan na nabanggit sa awitin ay karaniwan nang nakikita. May mga bulag na makikitang nanlilimos sa mga mataong lugar. May mga bulag ding tumutugtog ng silindro, ng gitara o ng rondalla sa pagpapalimos. Habang ang mga pipi at bingi ay gumagamit ng sign language sa panlilimos. Naalala rin ng inyong lingkod ang mga kababayan nating may kapansanan na naka-wheelchair sa “Tahanang Walang Hagdanan” sa Cainta, Rizal. Sa pagiging batas ng PWD bill, kasama na sila sa makikinabang. (Clemen Bautista)