Naabo ang P3-milyon halaga ng ari-arian sa Faculty Center ng University of the Philippines (UP)-Diliman matapos itong masunog kahapon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sinabi ng BFP na sumiklab ang apoy sa Bulwagang Rizal (Rizal Hall) dakong 1:00 ng umaga kahapon.

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog, hanggang itaas sa Task Force Alpha dakong 1:40 ng umaga.

Napaulat na nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng gusali ng faculty center at kumalat ito sa mga katabing palapag.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Dakong 4:40 ng umaga na nang ideklarang under control ang pagliliyab, habang pasado 11:00 ng umaga na tuluyang naapula ang sunog.

Paliwanag ni UP Diliman Chancellor Michael Tan, hindi naapektuhan ng sunog ang unang palapag ng gusali ngunit hindi na ito ipinagamit sa mga estudyante dahil sa posibilidad na gumuho ito.

Matatagpuan din sa gusali ang College of Arts and Letters (CAL) at faculty room ng College of Social Sciences and Philosophy, na roon din umookupa ang UP Creative Writing Center.

“The faculty center is gone. Lost many books, furniture pieces from my parents and grandparents, paintings from friends and former students, precious memorabilia. sic transit gloria mundi,” post naman sa Facebook ni Prof. Jose Wendell Capilina, UP assistant vice president for public affairs.

Kaagad namang sinuspinde ng pamunuan ng unibersidad ang klase sa CAL. (ROMMEL P. TABBAD)