Umiinit na ang kampanya ng mga kandidato sa pagkaalkalde sa Makati City na sina Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. at Rep. Abigail Binay na nagsimula nitong Lunes.

Umaasa si Peña na ipagpapatuloy niya ang kanyang mas bata at inspiradong liderato habang nais ni Binay na mabawi ang pamumuno ng kanyang pamilya sa tinaguriang premyadong distrito ng negosyo sa bansa.

Tumatakbo si Peña sa ilalim ng Liberal Party (LP) ng administrasyong Aquino, at sinimulan na niya nitong Lunes ang kanyang kampanya sa isang motorcade sa Lawton Avenue sa Barangay West Rembo, na dadaan naman sa iba’t ibang barangay sa District 2, dakong 6:00 ng umaga.

Nabatid na running mate ni Peña si Karla Mercado, anak ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, na nagsiwalat ng mga “anomalya” sa city hall, at suportado si Mario Hechanova, dating pinuno ng General Services Department na tumestigo sa Senado laban sa pamilya Binay at kandidato ngayong konsehal sa ikalawang distrito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Samantala, ginanap naman ang kampanya ni Binay, sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA), sa intersection ng Metropolitan Avenue, Chino Roces Avenue at Pablo Ocampo Extension, dakong 3:00 ng hapon nitong Lunes na dinaluhan pa ng kanyang amang si Vice President Jejomar Binay, ang pambato ng UNA sa pagkapangulo.

Pinalitan ng kongresista ang kanyang kapatid na si dating Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., matapos itong sibakin ng Office of the Ombudsman. (Bella Gamotea)