Patay ang isang limang taong gulang na lalaki makaraang mabagsakan sa ulo ng scaffolding habang naglalaro sa harapan ng barangay hall sa Sta. Cruz, Maynila, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Amir Hassan Batua-An, ng 307 P. Gomez Street, Sta. Cruz, Manila.
Samantala, binitbit naman sa tanggapan ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD) ang itinuturong naglagay ng scaffolding na si Alberto Hayag, 64, kapitbahay ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ni homicide investigator PO3 Alonzo Layugan, nangyari ang insidente dakong 6:45 ng gabi sa harapan ng barangay hall ng Barangay 307 sa Ronquillo, kanto ng Estero Cegada Street sa Sta. Cruz.
Nauna rito, naglalaro umano ang biktima, kasama ang anim pang paslit sa lugar na kinalalagyan ng naturang scaffolding, pero minalas na natumba ito at nabagsakan sa ulo ang bata.
Ayon kay Layugan, inilagay ang scaffolding upang hindi madaanan ang bukas na manhole sa lugar na pansamantalang nilagyan ng improvised na takip dahil hindi pa tapos ang sementadong takip nito.
Hinala ni Layugan, napaglaruan ng mga bata ang scaffolding kaya bumagsak ito. (Mary Ann Santiago)