Ryan Hollins, Jarell Martin, Tim Duncan

SAN ANTONIO (AP) — Kahit wala ang leading scorer at ipinahinga ang reserve player, mahirap matinag ang Spurs sa kanilang tahanan sa AT&T Center.

Napantayan ng Spurs ang 1995-96 record na 37-sunod na home game win ng Chicago Bulls matapos hiyain ang kulang din sa player na Memphis Grizzlies, 110-104, Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Nanguna si LaMarcus Aldridge sa Spurs sa naiskor na 32 puntos at 12 rebound para mapantayan ang dati’y imposibleng maabot na marka ng Bulls tungo sa matagumpay na 72-win record para sa isang season.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kasama ang panalo sa nakalipas na regular season, naitala ng San Antonio ang ika-46 sunod na panalo. Hindi pa natatalo sa AT&T Center ang Spurs mula noong Marso 2015.

Hindi nakalaro si Kawhi Leonard bunsod ng injury sa kanang balakang, habang binigyan ng day off ni coach Greg Popovich sina Danny Green, Boris Diaw at Patty Mills.

Sumabak naman ang Memphis na wala ang top three player na sina Marc Gasol, Zach Randolph, Mike Conley, gayundin ang tatlo pang reserves na pawang nagtamo ng injury.

Nag-ambag si Tony Parker sa Spurs na may 14 puntos, habang kumana sina Manu Ginobili at Tim Duncan ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

HEAT 108, MAGIC 97

Sa Miami, ratsada si Hassan Whiteside sa nakubrang 26 puntos, 12 rebound at limang block shot para gabayan ang Heat kontra Orlando Magic.

Kumana si Goran Dragic ng 22 puntos at walong assist sa Miami, matikas sa 14-1 marka sa huling 15 laro laban sa Magic at patatagin ang kapit sa No.5 spot sa Eastern Conference playoff.

Nagsalansan sina rookie Josh Richardson ng 14 puntos, humugot si Amare Stoudemire ng 13, habang tumipa sina Dwyane Wade at Luol Deng ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna si Evan Fournier sa Magic sa natipang 20 puntos.

ROCKETS 112, RAPTORS 109

Sa Houston, nailista ni James Harden ang ikatlong triple-double ngayong season na naiskor na 32 puntos, 13 assist at 11 rebound sa panalo ng Rockets kontra Toronto Raptors.

Kapwa nasibak sa laro sina Toronto star DeMar DeRozan at Kyle Lowry matapos bigyan ng double technical foul bunsod ng pakikipagtalo sa referee.

HAWKS, 101, BUCKS 90

Sa Atlanta, ginapi ng Hawks, sa pangunguna ni Jeff Teague na may 18 puntos, ang Milwaukee Bucks.

Kumubra si Paul Millsap ng 14 puntos at 13 rebound, habang tumipa si Al Horford ng 14 puntos para mapatatag ng Hawks (43-30) ang kapit sa No. 3 para sa Eastern Conference playoff.

Nanguna si Jabari Parker sa Milwaukee na may 19 puntos, habang kumana si John Henson ng 17 puntos at 10 rebound.

WOLVES 132, WIZARDS 129 (2OT)

Sa Washington, ratsada si rookie Karl-Anthony Towns sa naiskor na 27 puntos at 10 rebound, para sandigan ang Minnesota Timberwolves laban sa Wizards sa double overtime.

Hataw din sina Zach LaVine sa naiskor na 25 puntos at Gorgui Dieng na may 18 puntos.

Nanguna si Bradley Beal na may 26 puntos para sa Wizards na tuluyang nadiskaril ang kampanya na makasabit sa No. 8 spot ng Eastern Conference playoff.

Nag-ambag si John Wall ng 22 puntos