17 three-pointer, naisalpak ng Atlanta Hawks; Warriors at Spurs, walang gurlis sa home game.
WASHINGTON (AP) — Pinaliguan ng Atlanta Hawks ng 17 3-pointer ang Washington Wizards tungo sa 120-101 panalo nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) para patatagin ang kampanya na makahirit sa playoff ng Eastern Conference.
Nagsalansan ng 23 puntos si reserve guard Dennis Schroder, habang kumana si Kyle Korver ng lima sa 17 three-pointer ng Hawks para mahila ang karta sa 42-30.
Hataw din sina Paul Millsap at Al Horford ng 17 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna sa Wizards (35-36) si Marcus Thornton, ngunit nalimitahan ang leading scorer na si John Wall sa 13 puntos mula sa 6-of-17 shooting para maputol ang winning streak sa lima.
WARRIORS 114, CLIPPERS 98
Sa Oakland, California, nanatili ang marka sa Oracle Center matapos humakot ng 33 puntos si Stephen Curry para pangunahan ang Warriors kontra Los Angeles Clippers para sa ika-33 sunod ngayong season at ika-51 sunod na panalo sa home game sa regular season.
Hataw din si Klay Thompson sa nakubrang 32 puntos, tampok ang pitong 3-pointer, habang kumana si Harrison Barnes ng 11 puntos at anim na rebound para sa Golden State (64-7), nasa tamang direksyon para mapantayan, hindi man malagpasan, ang 72-10 ng 1995-96 Chicago Bulls.
Nanguna sa Clippers si DeAndre Jordan na may 19 puntos.
SPURS 112, HEAT 88
Sa Antonio, tulad ng Warriors, nanatiling matatag sa home game ang Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na tumipa ng career high 32 puntos, nang palamigin ang Miami Heat.
Naitala ng Spurs ang ika-36 sunod na panalo sa AT&T Center ngayong season.
BLAZERS 109, MAVS 103
Sa Portland, Oregon, ginapi ng Blazers, sa pangungun ni Damian Lillard na humugot ng 27 puntos at anim na assist, ang Dallas Mavericks.
Nag-ambag sina Maurice Harkless at C.J. McCollum ng tig-14 puntos para ibagsak ang koponan na naghahabol sa playoff sa Western Conference.
Nanguna sa Mavs si dating Blazers guard Wesley Matthews sa natipang 22 puntos, habang kumubra si Dirk Nowitzki ng 21 puntos.
CAVS 113, BUCKS 104
Sa Cleveland, ratsada sina LeBron James at Kevin Love sa 26 at 24 puntos, ayon sa pagkakasunod, sa panalo ng Cavaliers kontra Milwaukee Bucks.
Hataw si Kyrie Irving sa nakopong 16 na puntos, walong rebound at walong assists sa kanyang ika-24 na taong kaarawan.