Kinumpiska ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang milyung pisong halaga ng alahas mula sa bahay ng isang jewelry trader sa loob ng isang exclusive subdivision sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Pag-aari ng mag-asawang Ruben at Erlinda Asedillo sa loob ng Varsity Hills Subdivision sa Loyola Heights, Quezon City, ang mga alahas na kinumpiska dahil sa kawalan ng permit mula sa BIR ng nabanggit na negosyo nila.

Ang pagsalakay ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng BIR at Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group sa bisa ng search warrant na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court Judge Nadine Jessica Corazon J. Fama.

Nasamsam ng awtoridad ang ilang karton ng kontrabando na inilipat sa pangangalaga ng korte, na tutukoy kung magkano ang hindi nabayarang buwis ng mag-asawa na magiging basehan ng pagsasampa ng tax evasion charges laban sa kanila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Atty. Elmer Carolina, hepe ng QC Revenue Regional Investigation Division, kay QC Revenue Regional Director Fred Misajon, na ikinasa ang search and seizure operation laban sa mag-asawa matapos ang mahabang panahon ng pagmamanman sa kanila ng BIR.

Base sa ebidensiyang nakalap, sinabi ni Carolina na mahigit 10 taon nang sangkot ang mag-asawang Asedillo sa pagpupuslit ng mga mamahaling alahas sa bansa. (Jun Ramirez)