Patay ang isang 41-anyos na basurero matapos pagsasaksakin ng kanyang kaibigan habang sila’y nag-iinuman, kasama ang kanilang misis, sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Joven de Pedro, residente ng Area 5, Sitio Veterans, Barangay Bagong Silangan.

Ayon kay Domingo de Pedro, nakatatandang kapatid ng biktima, nagising siya dakong 11:00 ng gabi dahil sa malakas na katok.

At nang buksan niya ito, bumulaga sa kanya si Joven na duguan dahil sa dami ng saksak sa katawan.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Subalit bago pa man simulan ng pulisya ang imbestigasyon, agad na sumuko ang suspek sa insidente at ito ay nakilalang si Dominador Micua, 42, kapitbahay ng biktima.

Inihayag ng asawa ni Joven sa pulisya na huli niyang nakita ang biktima habang nakikipag-inuman sa asawa ni Micua.

Makalipas ang ilang minuto, sinabi ng misis ni Joven na nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at misis ni Micua na naging dahilan upang hatawin ng upuan ng una ang ginang.

At sa pag-alis ng misis Micua, kumuha si Domingo ng patalim na kanyang ginamit sa pagpatay kay Joven.

(Vanne Elaine P. Terrazola)