Isinusulong ng Albay ang sarili nitong Sustainable Development Goals (SDG), o mga programang reresolba sa problema sa kahirapan, kalusugan, at edukasyon sa lalawigan sa susunod na 15 taon.

Pinagtibay kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay ang 17 SDG, na ibinatay sa mga pamantayan ng United Nations.

Pangungunahan ng Albay Sustainable Development Goals Office (ASDGO) ang pagsasakatuparan sa 17 SDG: 1) Bigyang-tuldok ang kahirapan, 2) Tiyakin ang food security at pasiglahin ang agrikultura, 3) Isulong ang kalusugan ng lahat, 4) Siguruhin ang oportunidad sa edukasyon para sa lahat, 5) Palawakin ang kapangyarihan ng kababaihan.

Kabilang din sa mga programang isusulong sa Albay ang: 6) Pagtiyak sa wastong pangangasiwa sa yamang tubig, 7) Tiyaking may makabago at sapat na enerhiya, 8) Isulong ang mga programa sa kabuhayan at trabaho, 9) Magtatag ng mga kailangang imprastruktura at masiglang industriya, 10) Bawasan ang hindi pagiging pantay-pantay ng mga bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Isasakatuparan din sa susunod na 15 taon ang: 11) Gawing ligtas at masigla ang mga pamayanan, 12) Tiyaking makabuluhan ang paggamit sa mga likhang produkto, 13) Magkaroon ng mga epektibong hakbangin laban sa climate change, 14) Panatilihin ang makabuluhang silbi ng karagatan, 15) Pangalagaan ang likas na terrestrial ecosystems at tuldukan ang biodiversity loss, 16) Isulong ang pagpapalago sa masisiglang pamayanan, at 17) Palakasin ang global partnership para sa mabisang implementasyon ng SDG.

Matatandaang sa tulong ng Millenium Development Goals ay naging malaria-free ang Albay noong 2008, at filariasis-free naman noong 2012. Napababa rin sa 33% (mula sa 87% noong 2006) ang maternal mortality rate noong 2013, at nasa 14% na lang ang malnourished, na dating nasa 21%.