Aminado ang National Economic Development Authority (NEDA) na sari-saring balakid ang kinahaharap ng gobyerno sa pagpapatupad sa Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan (CRRP) para sa mahigit 1.47 milyong pamilya sa 171 munisipalidad at siyudad na sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013.

Ayon sa NEDA, nasa P150.3 bilyon ang final funding requirement ng CRRP at P89.73 bilyon mula rito ay naipamahagi na nitong Enero 2016.

Ito ay base sa NEDA report na “Updates on Typhoon Yolanda Rehabilitation and Recovery Efforts” na inilabas kasabay ng ika-34 na anibersaryo ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) ng Department of Science and Technology (DoST).

Kabilang sa mga balakid sa pagpapatupad ng CRRP ang usad-pagong na pagsasaayos sa mga resettlement site at konstruksiyon ng mga permanenteng housing unit na sinisisi sa mabagal na pagkuha ng permit at clearance at iba pang problema sa mga kontratista.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isyu rin, ayon sa NEDA, ang pagtukoy sa mga resettlement site dahil ilan sa mga napili ng gobyerno ay kung hindi nasa protected area ay nasa hazard-prone zone.

Mahalaga rin na mapabilis ang pagkukumpuni ng mga pasilidad sa kuryente at tubig sa mga resettlement site.

Ayon sa ahensiya, malaking problema rin ang pagkakaantala ng paglalabas ng pondo para sa CRRP. (Edd K. Usman)