Ni Angie Oredo

Agad pinagtuunan ng pansin ang bagong buo na region 18 o mas kilala bilang Negros Island Region sa nalalapit na pagsambulat ng 2016 Palarong Pambansa sa Albay Province sa Abril 10-18.

Inaasahang magsasama-sama ang pinakamagagaling na atleta mula sa tinaguriang rehiyon ng mga Isla ng Negros na binubuo mismo ng malalaking probinsiya ng Negros Occidental at Negros Oriental kasama ang highly urbanized city ng Bacolod.

“Bacolod City and Negros Occidental are considered powerhouse when it comes to sports at idagdag mo pa ang Negros Oriental, talagang aasahan mo na mas malaki ang tsansa nilang manalo ngayon sa Palaro,” sambit ni national coach Jojo Posadas.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Dating kabilang ang Negros Occidental at Negros Oriental sa Western Visayas bago na lamang binuo base sa kautusan bilang Executive Order No. 183 na iniatas ni Pangulong Benigno Aquino III noong Mayo 29, 2015.

Dahil dito, bubuuin na lamang ang Western Visayas o ang “Region VI” ng mga probinsiya ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras at Iloilo kasama ang isang highly urbanized city na Iloilo City na tatayo bilang regional center.

Ilang beses na tinanghal na pangkalahatang kampeon ang Western Visayas sa nakalipas na edisyon ng Palaro bagama’t dominanteng rehiyon ang National Capital Region (NCR).

Isasagawa ang ika-59 edisyon ng taunang multi-sporting event para sa mga estudyanteng atleta sa bagong gawa na Bicol University Sports Complex.

Base sa Republic Act No. 10588, o mas kilala bilang Palarong Pambansa Act of 2013, paglalabanan sa elementary level ang 15 sports habang sa sekondarya ay 17 disiplina at apat na demonstration sports na Futsal, Wushu, Billiards at Wrestling. Dagdag din dito ang apat na special games para naman sa differently-abled athletes.