ANG Semana Santa ay panahon ng pagninilay, pagbabalik-loob, pagdarasal, pagkakawanggawa at pagtulong sa kapwa. Bukod dito, ang Semna Santa ay panahon din ng pagbibigay-buhay at pananariwa sa mga hirap, pasakit, at pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo bilang pagtubos sa sangkatauhan.
Marami sa ating mga kababayan ang lumuluwas upang makibahagi sa paggunita ng Semana Santa na nakaugat na sa ating kultura tulad ng via crucis o way of the cross, at visita iglesia. Sumama sa mga prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay.
Sa Rizal, ngayong Lunes Santo, sisimulan ang motorist assistance o Lakbay-Alalay. Ito’y isang programa ng Department Public Works and Highways (DPWH)-Rizal Engineering District 1 at Rizal Engineering District ll, na pamumunuan nina District Engineer Roger Crespo at District Engineer Boying Rosete. Ang Lakbay-Alalay sa Rizal, ayon kay Engineer Boyet Antonio, maintenance officer ng Rizal Engineering District l, ay magsisimula ng 6:00 ng hapon at matatapos hanggang 12:00 ng tanghali ng Marso 28, Easter Monday. Ang istasyon ng Rizal Engineering District l ay nasa km.34+500 ng Manila East Road sa Binangonan, Rizal, malapit sa likod ng district office ng Rizal Engineering District l.
May nakaantabay na tatlong service vehicle at tatlong dump truck na tutulong sa mga magkakaproblema sa paglalakbay.
May dalawang team na naka-duty na binubuo ng 15 katao. Bawat team ay naka-duty ng 12 oras.
Sa bahagi ng Rizal Engineering District ll, ayon kay District Engineer Boying Rosete, ang station ng Lakbay-Alalay ay nasa Sakbat Manila East Road, Morong, Rizal. May mga tauhan na naka-duty ng 24 oras. Naka-monitor at naglilibot sa road section ng mga bayan sa eastern Rizal upang tumulong sa mga motorista. Gayundin sa ating mga kababayan at pamilya na magtutungo sa iba’t ibang simbahan upang mag-visita iglesia na bahagi ng kanilang panata tuwing Semana Santa.
Ang mga simbahang dinarayo ay itinayo ng mga misyonerong paring Heswita tulad sa Morong Baras, Tanay, Pililla, at Jalajala. Ilan sa mga simbahang dinarayo ay ang sa Angono, Binangonan, Taytay at Cainta na may 300 taon na ang nakalilipas simula nang ipatayo. Gayundin ang Katedral ng Antipolo.
Ang paglulunsad ng Lakbay-Alalay sa Rizal, ayon kay District Engineer Roger Crespo, ay sa pag-uutos ni Director Samson L. Hebra, ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-A Calabarzon. Saklaw ng kautusan ang lahat ng district engineer at lahat ng area equipment engineeer sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon). (CLEMEN BAUTISTA)