Nais malaman ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kung saan napupunta ang multi-billion dollar na inuutang ng Pilipinas sa mga dayuhang namumuhunan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng CBCP, dapat tiyakin ng pamahalaan na nagagamit sa mga pangunahing serbisyo para sa mamamayan ang mga salaping ito.
“Ang tanong sana ay ang mga inutang ba natin ay karapat-dapat ba, legitimate ba at ito ba ay nakikinabang ang mga tao?” pahayag pa ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa datos ng Bureau of Treasury, ngayong 2016 ay umaabot na sa P6 trillion o $163,934,972,678 ang utang ng Pilipinas, tumaas ng 3.8-porsiyento mula noong 2014 o 45.8% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Nangangahulugan ito na ang bawat isa sa 109,805,464 na Pilipino ay may $1,515 utang. (Mary Ann Santiago)