SA mga isiniwalat ni Cong. Neri Colmenares tungkol sa Social Security System (SSS), may isang bagay na tumatak sa aking isipan at ito ay nakakaalibadbad at nakasusulasok. At kung isa kang mangkukulam at kung totoo ang sinasabing may mangkukulam, ay puwede mo nang kulamin.

Ang tinutukoy ng kolumnistang ito ay ang mga executive ng SSS na ‘di umano’y nagsitanggap o nakatanggap ng P117 milyon sa kanilang suweldo, allowance at iba pang mga insentibo.

Hesus Maria Santisima!

Papaano nasisikmura ng “mababait at mararangal” na opisyales ng nasabing tanggapan ang nabanggit na usapin? Na sa pamamagitan lamang ng pagpapalaki ng tiyan, pagkuya-kuyakoy sa kanilang upuan sa kanilang mga opisina ay tumatanggap sila ng ganoong kalalaking suweldo?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon kay Colmenares, ang talaan ng mga sinusuweldo ng mga mapagsamantalang opisyal ng SSS ay batay sa nakuha niyang record sa Commisison on Audit (CoA). At narito ang talaan ng mga opisyal at kanilang tinanggap noong 2014, magdadalawang taon na ang nakararaan.

Si Elizabeth Betina Antonio, board member/ commissioner ay tumanggap ng P5,997.400; si Rizaldy Capulong, executive vice president ay tumaggap ng P4,959,898.83; si Judy Fran, senior vice president ay may P4,858,929.87; si Eddie Jara, senior vice president ay mayroong P4,949,305.24; si Jose Bautista, senior vice president ay nakatanggap ng P8,890,557.43; si May Catherine Ciriaco, vice president ay may P4,747,589.90; at si Mariano Sibucao, vice president ay P4,557,731.53.

Habang si Juan Santos na board chairman ay tumanggap naman ng P4,196,399.84; habang si president at CEO Emilio de Quiros ay P4,188,698.36 at 2,050,000 bilang board member commissioner at si vice president for public affairs Marrisu Bugante ay tumanggap ng P4,070,948.65.

Bukod sa kanila ay marami pang opisyales na sumusuweldo ng milyun-milyong piso. Anak ng mga buwaya!

Si Colmenares din ang awtor ng inaprubahang bill na nagtatakda ng 2,000 pisong dagdag na pension na IBINASURA ni Pangulong Aquino sa katwirang hindi makakaya ng SSS.

Sa milyun-milyong pisong natanggap ng mga opisyales na ito ay hindi naisip na baka maubos ang pondo ng SSS kumpara sa kakarampot na dagdag na pension.

Matitino ba ang utak ng mga SSS official na ito o mga utak buwaya? Ano ang sa tingin ninyo? (ROD SALANDANAN)