TAMANG-tama ang timing.

Muling gugunitain ng mga Kristiyano ang Domingo de Ramos o mas kilala bilang Linggo ng Palaspas tatlong araw mula ngayon.

Dito sinasariwa ng mga nananampalataya ang pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem bago ang kanyang kalbaryo. Ito rin ang senyales ng pagsisimula ng Mahal na Araw.

Pumasok sa isipan ko ang Linggo ng Palaspas na aking inihahambing sa sitwasyon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pagpasensiyahan n’yo na ang aking obserbasyon, subalit sa aking pananaw, halos ganito rin ang naging pagsalubong ng mga motorista sa Metro Manila sa PNP-HPG sa mga unang araw na sila ay itinalaga sa EDSA sa paniniwalang sila ang solusyon sa problema sa trapik.

Kulang na lang ay sumigaw ng “halleluia!” at magwagayway ng palaspas sa kanilang pagdating sa lugar bunsod na rin ng kawalan ng tiwala sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Matikas ang tayo sa gitna ng dating “Highway 54,” pinaghalong takot at paggalang ang naramdaman ng mga motorista sa PNP-HPG na kahit walang pang-ticket ay sinusunod ng mga driver.

Sa mga unang linggo ng pagmamando sa trapiko noong Setyembre 2015, mabilis na ibinandera ni PNP-HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao ang bahagyang pagbilis ng daloy ng mga sasakyan dahil sa pagsunod sa batas ng mga motorista.

Maging ang mga pampasaherong bus, na madalas na ibinabalagbag sa bus stop na nagdudulot ng trapiko, ay mahigpit na binantayan ng HPG.

Naging istrikto rin ang pagpapatupad ng “yellow lane” policy.

Dahil sa bahagyang pagbabago at umaasa na magtutuloy-tuloy na ito, bumuhos ang suporta sa PNP-HPG mula sa iba’t ibang sektor. And’yan ang donasyon ng libreng bottled water, sun block, vitamins at iba pa.

Halos anim na buwan na ang nakararaan at iba na ang tono ng mamamayan.

Sa social media, puro sisi na ang inaabot ng PNP-HPG.

Mula sa isyu ng paglalagay ng concrete at plastic barrier hanggang sa pagtatanggal ng U-turn slot, naging tuliro na ang HPG dahil balik na naman ang problema sa matinding trapiko sa EDSA.

Ang dahilan ni Gunnacao: Ang biglang pagdami ng sasakyan sa lansangan.

Gutom lang ba ito at kulang sa tulog? ‘Tila may sumisigaw ng “Ipako sila sa krus!” (ARIS R. ILAGAN)