Kinumpleto ng Arellano University Chiefs ang dominasyon nang agawan ng korona ang University of Perpetual Help Altas, 75-71, sa championship duel ng 12th Fr. Martin Collegiate Open Cup basketball tournament kamakailan sa San Beda Collge Gym.
Napigil ng Chiefs ang ratsada ni Altas Nigerian big man Bright Akhuetie para makamit ang titulo sa kauna-unahang pagkakataon.
Nanguna sa Chiefs sina Jiovani Jalalon at Allen Enriquez sa tig-13 puntos.
Hataw ang 6’8 center na si Akhuetie sa kabuuang 30 puntos, ngunit napigilan siya ng Chiefs sa krusyal na sandali para mailusot ang panalo matapos ang tatlong season na pagtatangka.
“We got the title, and after losing to them last year in the finals. They had a rally. But we were able to contain Akhuetie in the last period. And it took us five people to stop him,” sambit ni Chiefs head Jerry Codinera.
Naiganti ng Chiefs ang kabiguan sa Altas sa nakalipas na season, habang natalo ang Arellano sa Ateneo Blue Eagles sa Collegiate Open may dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa pangunguna ni Akhuetie, natapyas ng Altas ang 13 puntos na bentahe ng Chiefs sa 63-66, may 4:30 nalalabi.
Nanguna sa Altas sina GJ Ylagan at Prince Eze na may tig-10 puntos.
Samantala, may kabuuang 41 koponan ang sasabak sa men’s, women’s at junior division ng 22nd Fr, Martin Cup Summer Tournament na sisikad sa Abril 3, ayon kay organizer Edmundo “Ato” Badolato.