Bilang isang manlalaro, dalawang ulit na napagkampeon ni Joseph Orillana ang De La Salle University.
Makalipas ang 13 taon, muling iwinagayway ni Orillana ang watawat ng Green Batters, ngunit sa pagkakatong ito bilang isang coach.
Naihatid ni Orillana ang Green Batters sa kauna-unahang kampeonato matapos ang mahigit isang dekada nang pabagsakin ang Ateneo, 11-9, sa Game 2 ng kanilang best-of-three title series nitong Lunes sa Rizal baseball field.
Sa kanilang panalo, winakasan ng Green Batters ang tatlong taong paghahari ng Blue Eagles’ sa liga.
Nahirang na co-Finals MVP ang mga pitchers na sina Boo Barandiaran at Diego Lozano matapos nilang pigilan ang hitting ng Blue Eagles sa loob ng dalawang laro sa Finals.
“Fulfilled na rin ako sa career ko as a player and as a coach,” sambit ng 35-anyos na si Orillana, miyembro ng La Salle na huling nagkampeon noong 2003.
“Heto na siguro ang simula,” aniya.
Naiiwan sa iskor na 7-9, isang single ni Kiko Gesmundoang naghatid sa dalawang batters ng La Salle sa home base na nagtabla sa iskor sa ilalim ng seventh inning.
Kasunod nito, umiskor si Paolo Salud ng dalawang RBI single para ibigay sa La Salle ang lamang11-9.
“It was anybody’s ballgame, sabi ko huwag silang gi-give up dahil alam kong babalik sila. Maniwala lang sila na kaya nila dahil alam kong taon nilang taon,”ani Orillana.
Ipinagkaloob naman ang indibiduwal award kina Paulo Gonzalo Salud (Best Hitter), Jose Miguel San Juan (Best Slugger), Jonathan Park (Most Runs Batted-In), Marco Luis Mallari (Most Home-runs), Marquis Rey Alindogan (Most Stolen Bases), Juan Paulo Macasaet (Best Pitcher), Julius Diaz (Rookie of the Year, MVP).