ANG bawat tao ay may sariling opinyon. Ganito rin marahil sa Supreme Court (SC); ang bawat mahistrado ay may kanya-kanyang paniniwala o opinyon kaugnay sa kaso ni Sen. Grace Poe sa isyu ng diskuwalipikasyon na ipinataw sa kanya ng Commission on Elections (Comelec). Sa botong 9-6, pinaboran ng siyam na SC justice si Poe bilang isang natural-born Filipino citizen at nakatugon sa residency requirements. Gayunman, anim na mahistrado ang naniniwalang hindi tunay na Pilipino si Pulot at kulang siya ng taon sa paninirahan sa bansa para makatakbo sa pagkapangulo.
Samakatuwid, may tinatawag na dissenting opinion at meron ding concurring opinion. Ang mahalaga rito ay igalang ang kapasiyahan ng Korte Suprema na isinatinig ng siyam na mahistrado kontra sa anim ng minorya. Tandaan na sa ano mang kaso o laban, may natatalo at may nananalo.
Sabi nga ng kaibigan kong Inglesero: “Opinions vary. Every person has his own opinion that may vary to that of another person.” Sabad ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Wala kahit sinong tao ang may monopolyo sa mga opinyon.” Dahil dito, dinunggol ni senior-jogger sina ex-Kit Tatad, defeated senatorial bet Rizalito David, ex-UE dean of law Amado Valdez, Prof Contreras ng San Beda, at ex-GSIS counsel Estrella Elamparo, na irespeto ang desisyon ng SC at huwag magbunganga sa publiko.
***
Mula sa Fort Del Pilar, Baguio City, nanawagan si Pangulong Aquino sa mga graduate ng PMA Class Gabay-Laya 2016 na maging “apolitical” o walang kinikilingan sa darating na halalan. Pinayuhan niya ang mga bagong pinuno ng military na umiwas sa partisan politics, sa tukso ng kurapsiyon at iba pang mga banta na makasasama sa bansa.
Ginunita ni PNoy sa PMA graduates na magiging mga kawal ng bayan, ang “madilim na kasaysayan ng bansa” nang gamitin ng diktador ang AFP para supilin ang kalayaan at demokrasya noon. Sinabi niyang nagamit ang kasundaluhan sa “whim” at kapritso ng isang pamilya—ang Marcos Family.
Bumilib ako kay VP Binay dahil sa pagdalo sa PMA graduation rites sa Baguio City kahit alam niyang matamlay sa kanya si PNoy at halos hindi siya binabati nito. Dumalo rin siya sa pagtatapos ng mga kadete ng Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite kamakailan. Wala siyang paki kung hindi man siya kibuin ng pangulo.
Kung iba sigurong opisyal ang nasa kalagayan ni VP Binay, baka mag-atubili itong dumalo sa gayong mga okasyon na tiyak na makakatabi sa entablado ang Pangulo ng bansa na galit sa iyo. Si Binay ang nagkaloob ng vice presidential saber sa tanging babae na PMA topnotcher, si Cadet First Class Christine Mae Calima (Number 2).
***
Bukod sa Pulse Asia at Social Weather Station, may isa pang nagsasagawa ng survey at ito ay ang Magdalo Party-list na nagsabing nangunguna si Sen. Grace sa karera.
Nakakuha si Sen. Poe ng 31%, samantalang si Mayor Duterte ay 29.25%, na sinundan ni VP Binay na may 21.5%, at Mar Roxas sa 14%. Habang si Sen. Miriam Defensor Santiago ay nakakuha ng 3.3%. (BERT DE GUZMAN)