ANO ba ang sikreto ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte? Bakit kabagu-bago niya lamang sa pambansang pulitika at isang hamak na alkalde sa nasabing lungsod ay nakuha na agad niya ang atensiyon ng mga mamamayan? Bakit sa mga survsey, hindi man siya ang laging nangunguna, ay pumapangalawa at nagiging paksa ng usap-usapan?

Iba ang kanyang pamamaraan sa pagpapahayag ng mga plano. Hindi siya gumagamit ng magandang retorika na siyang kinasanayan at ginagamit ng mga dating pulitiko. Magagandang pananalita na para kang idinuduyan sa alapaap, mga pangakong para kang ipinaghehele. Pero pagkaraan ng eleksiyon at magsipanalo, wala rin. Ang magagandang pangako ay nabaon sa limot.

Si Duterte ay hindi. Diretsahan. Tinatawag niya ng pula ang pula at itim ang itim. Walang paliguy-ligoy, pangimi o pangamba. Kaya sa palagay ng nakararami, bawat katagang sasabihin at ipangako niya sa maganda o garapal mang pamararaan ay totoo at kanyang ginagawa.

Lipas na ang panahon ng mga pambobola. Ang hinahanap ng tao ay iyong pangakong totoo at hindi nila iniintindi kung ito ay sinabi sa maganda o pangit na pamamaraan. Ang hinihintay nila ay ang mga pangako na sa tingin nila ay gagawin at tutuparin.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maging sa mga programa o plataporma ay iba ang istilo ni Duterte. Ang mga kalaban niya ay tila natatakot na talakayin ang kriminalidad. Ang pagkalugmok ng bansa sa iba’t ibang klase ng krimen na siyang epekto ng DROGA.

Malinaw ang paninindigan dito ni Duterte. Lulutasin niya ang kriminalidad at kurapsiyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan kung sakaling siya ang mahahalal. Isa ito sa mga problema n gating bansa na gustong malutas ng sambayanang Pilipino ngunit nabigo si Pangulong Aquino.

Pasok din sa plataporma ni Duterte na matuldukan ang kurapsiyon sa pagitan ng mga opisyal na nanamantala sa kaban ng bayan. Habang hindi ito kasama sa mga ipinangangako ni Roxas at ng iba pang kandidato.

Kaya siguro nakatawag ng pansin si Duterte sa mga botanteng Pilipino. Kahit papaano ay nabubuhay ang kanilang pag-asa na mahahango pa ang bansang ito sa pagkalubog sa kumunoy dahil sa mali at lisyang pamamahala.

Bigo ang “Matuwid na Daan.” Baka kay Duterte madama ng mga Pinoy ang matapat at dakilang daan. (ROD SALANDANAN)