Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mas mainit na panahon na mararanasan sa bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, posibleng umabot sa 40 degrees Celsius ang mararamdamang temperatura sa mga susunod na araw sa pagsisimula ng summer season.
Nagbabala rin siya sa publiko laban sa posibleng idulot nitong heat cramps at heat exhaustion na maaaring mauwi sa heat stroke kapag tuloy-tuloy ang aktibidad sa ilalim ng matinding sikat ng araw.
Binanggit ni Aurelio na tumataas na rin ang nararamdamang heat index sa Metro Manila na aabot sa 35.8 degrees Celsius, at mas titindi pa ang mararanasang init ng panahon sa paghina ng amihan sa kalagitnaan ng Marso bunsod ng pagpasok ng easterlies.
Huling naitala ang 40.4 degrees Celsius sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Mayo 11, 2012 at ang pinakamainit na klima na 42.2 degrees Celsius sa Tuguegarao City noong Mayo 11, 1969. (ROMMEL P. TABBAD)