ILOILO CITY – Tapos na ang karera, sakaling manaig pa rin ang tropa ng Philippine Navy-Standard Insurance sa Stage 3 ng Ronda Pilipinas Visayas leg na sisibat ngayon sa Iloilo Business Park at matatapos sa Pueblo de Panay sa Roxas City.
Ito ang senaryo na kailanang apulahin ng mga karibal na koponan kung nais nilang mapigil ang Navymen sa pagdomina sa karera sa ikalawang sunod na leg.
“Naamoy na namin,” pahayag ni overall leader Ronald Oranza, tungkol sa isa na namang overall championship. Kung hindi kami maibabaksak sa Stage 3, formality na lang amin na ito,” aniya.
Nakatuon ang atensiyon sa Navymen sa pagratsada ng 121.50 kilometrong road race ngayon, bunsod na rin ng katotohanan na ito na lang ang nalalabing pagkakataon para sa ibang kalahok na makasingit at mapigil ang dominasyon ng Philippine Navy.
Matatandaang nakuha ng koponan ang overall championship sa Mindanao leg sa nakalipas na buwan kung saan pitong puwesto sa top 10 ang nakuha ng Navymen.
Sa kasalukuyan, walang hirap na narendahan ng grupo ang unang dalawang stage at naghati sa stage honor sina Oranza (Stage 1) at Rudy Roque (Stage 2).
Inokupahan din nila ang walong silta sa kasalukuyang top 10, sa pangunguna nina Oranza, Roque at Mindanao leg champion Jan Paul Morales.
“Marami pa puwede mangyari lalo na ngayon sa massed start dahil mahabang lakbayin ito tapos me mga nakatayang mga special category. Ayaw namin bilangin ang itlog hanggang hindi pa tuluyang nababasag,” sambit ni Navy team captain Lloyd Lucien Reynante.
Tinutukoy ni Reynante ang nakataya sa Stage Three na special awards kung saan malalaman ang magwawagi para sa King of the Mountain (KOM) at ang ASG Sprint King. Matatandaan iniuwi ni Reynante ang Polka dot jersey na nagsisimbulo bilang KOM sa unang yugto sa Mindanao Leg.
Muling dinomina ng Navymen ang unang dalawang criterium sa Bago City at dito sa Iloilo bagaman inaasahang gagawa ng hakbang ang ibang kalahok mula sa Team LBC/MVP Sports Foundation, Team Iloilo at ang binubuo ng batang riders na Team ASG.
Walong segundo lamang ang naghihiwalay sa magkakamping sina Oranza (2:16:50.69) at Roque (2:16:50.77) bagaman ngayon pa lamang ay inaasahan na susuportahan ng Navy ang pagnanais ng una na maiuwi nito ang kauna-unahang korona bilang kampeon sa Tour.
Nagbabanta naman ang tatlong Team LBC/MVP na inookupahan ang ikaapat hanggang ikaanim na puwesto na sina Ronald Lomotos, Rustom Lim at Julius Mark Bonzo.