MAINIT na pinag-uusapan ngayon hindi lang ng mga taga-showbiz kundi pati na rin sa mga ordinaryong mamamayan ang pansamantalang pamamaalam ni Kris Aquino sa showbiz upang bigyan ng priority ang kalusugan at ang pagiging nanay sa kanyang dalawang anak.
Maging ang mga kasamahan nga namin sa Ministry of Greeters and Collectors ng Sto. Niño de Tondo, pinutakti kami ng tanong tungkol sa nasabing balita. Higit ang concern ng mga nakakausap namin sa kalusugan ng host ng KrisTV.
“Dapat naman na mas bigyan ni Kris ng sapat na atensiyon ang health niya. Napakarami na niyang milyones. Aanhin niya ang mga ‘yan kung kapalit naman, eh, ‘yung sobrang taas ng blood pressure niya dahil sa sobrang sipag niya,” sabi sa amin ng aming kasamahang si Bro. Ric Tubog.
Ayon naman kay Sis. Helen Pineda na isa ring avid fan ni Kris, malulungkot siya kung hindi na niya napapanood si Kris sa tuwing umaga pero maiintindihan naman daw niya ang Queen of All Media.
“Hindi niya magagamit ang pera niya pandugtong ng buhay niya. Sa totoo lang, kung talagang makapangyarihan ang pera, eh, sana, wala nang namamatay na mga mayayaman,” sey ni Sis Helen.
Sang-ayon siya na panahon na para pag-ukulan ni Kris ang personal na buhay, lalung-lalo na ang kalusugan at sina Josh at Bimby. Wala raw magagawa ang kasikatan at yaman para maisalba ang buhay.
Pero meron namang kumukuwestiyon sa desisyon ni Kris. Ilang beses na rin naman daw kasi niyang binanggit ang tungkol sa bagay na ito pero hindi naman niya itinuloy.
“Sana totohanin na niya this time. Wala naman na siyang dapat pang patunayan. Bilang TV host, naabot na niya ang lahat ng pinapangarap. Bilang artista naman, eh, ilang box office movies na rin naman ang naiambag niya. At sa totoo lang naman, eh, kung pag-uusapan ang buong showbiz industry, eh, hindi puwedeng hindi mabanggit ang pangalang Kris Aquino,” sey naman ng aming kaibigang si Ate Doring Reyes.
Samantala, sa darating na March 23 ang huling episode ng KrisTV kasabay ng pagtatapos ng kontrata ni Kris sa Kapamilya Network. (JIMI ESCALA)