DESIDIDO si Sarangani representative Manny Pacquiao na ituloy ang kanyang laban kay Timothy Bradley, sa Las Vegas, sa susunod na buwan. Wala naman umano siyang malalabag na batas dahil bilang senatorial candidate, may karapatan umano siyang ianunsiyo ang kanyang kandidatura sa telebisyon sa loob ng 120 minuto, at sa radyo naman ay 180 minuto (sa bawat istasyon). Kung ipapalagay aniya na aabot sa 12 round ang kanyang laban, tatagal lamang ito ng 36 na minuto.

“Hindi lang naman ang mismong oras ng laban ang maiuulat.” pahayag ni Walden Bello. Si Bello, na isa ring senatorial candidate, ay nagsampa ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para pag-aralan kung may lalabaging panuntunan ang labang Pacquiao-Bradley kaugnay sa oras na inilalaan sa mga kandidato sa pag-aanunsiyo ng kanilang kandidatura. Kung mayroon, nais ni Bello na gumawa ng paraan ang Comelec upang hindi makalamang si Pacquiao sa kanyang mga kapwa kandidato. Kinukumbinsi naman ni dating Senador Rene Saguisag si Pacquiao na huwag nang ituloy ang laban. Ganito rin ang payo ni Speaker Sonny Belmonte.

Pero baka ito na raw ang kanyang huling laban at wala siyang intensiyong manglamang sa kapwa kandidato sa halip, aniya, nais na niyang tapusin ang huling laban dahil nagkakaedad na rin siya. Nais niyang bigyan ng karangalan ang bayan sa huling pagkakataon. Totoo, malaking karangalan para sa bayan si Pacquiao. Sa kanyang mga tagumpay, dala niya ang pangalan ng ating bansa. Sa kanyang pagsikat, kasama niya ang bawat Pilipino.

Pero hindi ito ang dahilan para hindi mo sundin at igalang ang regulasyon ng pinasok mong bagong larangan. Kung may regulasyon sa boxing, mayroon ding regulasyon sa pulitika. Layunin ng mga ito na ilagay sa patas na sitwasyon ang mga naglalaban. Kaya nga sa boxing tinitimbang ang magkatunggali. Lamang ang mabigat dahil mabigat ito sumuntok. Sa pulitika, nakalalamang ang laging napag-uusapan sa media. At dahil nga dito kaya pinapipigil pansamantala ang Pacquiao-Bradley fight. Walang lamangan, patas dapat. Ngayon pa nga lang na inaanunsiyo na ang kanyang laban ay panay na ang banggit sa kanyang pangalan. At magpapatuloy ito kahit tapos na ang kanyang laban. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan