HINDI lang pala dengue virus kundi maging ang zika virus ay posibleng kumalat sa Pilipinas na dala ng lamok at ang paboritong dapuan at kagatin ay ang mga buntis. Sino mang buntis na makagat ng lamok na nagtataglay ng nasabing virus ay malamang na magsilang ng sanggol na maliit ang ulo at hindi kumpleto ang pormasyon ng utak na kung tawagin ay microcephaly.

Ayon kay Department of Health (DoH) Sec. Janette Garin, na-diagnose na may zika virus ang isang American woman na tumira ng apat na linggo sa Pilipinas nitong 2016. Kung ganoon, may zika virus na nga sa Pilipinas!

***

Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Northern Korean vessel, M/V Jin Teng, sa karagatan ng Zambales.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang barko na may bigat na 4,355 tonelada at may 21 crewmember, na ang ship captain ay si Han Thae Hwan, ay hinarang sa Subic sa bisa ng United Nations Security Council resolution dahil baka ito ay may kargang weapons of mass destruction (WMD).

***

Mahigit isang milyong estudyante ang magsisipagtapos sa kolehiyo at unibersidad ngayong Marso. Mapapabilang kaya sila sa milyun-milyong Pinoy na walang trabaho? Ayon sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), mahihirapan silang makatagpo ng trabaho dahil sa idinagdag na hiring requirements ng mga kumpanya.

***

Ipinagdiwang ang International Women’s Day nitong Martes. At bilang pakikiisa sa selebrasyon, ako ang naglinis ng bahay, naglampaso, nagsaing, naghugas ng plato. Sana ay maglalaba at mamamalantsa pa rin ako, pero pinagbawalan ako ng aking ex-GF at sinabing, “’Wag ka nang maglaba at mamalantsa, mag-grocery ka na lang.”

Noong araw, babae lang ang nagpupusod ng buhok. Ngayon, pati lalaki ay nagpupusod na rin. Noong araw, preso lang ang may maraming tattoo. Ngayon, maging babae at lalaki ay burdado ng tattto ang mga kamay, binti, leeg, likod atbp.

Noon, babae lang ang naghihikaw, pero ngayon, maraming lalaki na ang naghihikaw. Pati yata bayag nila ay hinihikawan (ano sa palagay ninyo?).

***

Isang Ibanag mula sa Isabela ang nag-top sa PMA Gabay Laya Class 2016. Siya ay si First Class Cadet Kristian Daeve Abiqui. At babae naman ang pumangalawa at ito ay si Cadet First Class Christine Mae Naungayan Calima mula sa Pangasinan.

Tatanggap ang isang Ibanag (si Abiqui) mula sa isang Kapampangan (PNoy) ng Presidential Saber, habang si Calima, tanging babae na pasok sa Top 10, ay tatanggap naman ng Vice Presidential Saber. Ang tanong: Dadalo kaya si VP Binay? (BERT DE GUZMAN)