3 ginto, sinisid ni Saavedra; National Team, humahataw.
LINGAYEN, Pangasinan – Nalayo man sa kinalakihang baybayin, napanatili ni Mary Angelic Saavedra ang likas na kahusayan sa paglangoy nang tanghaling ‘triple gold winner’ sa unang araw ng kompetisyon sa swimming event ng 2016 Philippine National Games (PNG) Finals kahapon, sa Don Narciso Ramos Sports and Civic Center dito.
Nabatak sa pagbababad sa karagatan ng Zamboanga, pinatunayan ng 18-anyos na dating pambato ng Ateneo de Zamboanga High School, na karapat-dapat siya sa National Team nang pagbidahan ang girls 16-under 400m free sa tiyempong apat na minuto at 48.02 segundo.
Nakopo rin niya ang titulo sa 200m back (2:43.61) at 200m butterfly ( 2:40.60).
“I’ll just do my best every competition. Basta po may laban, wala na akong gagawing iba kundi mag-focus sa laban,” sambit ng panlaban ng University of Santo Tomas sa UAAP.
Hindi estranghero si Saavedra sa tagumpay dahil sa edad na 12, tinanghal siyang most bemedalled awardee sa Malaysia Age Group Swimming Competition noong Pebrero 2010 sa Kota Kinabalu, Malaysia.
Sa kabila nito, hindi makasingit sa Philippine Team ang Zamboangena dahil sa patuloy na pulitika sa swimming association.
Miyembro si Saavedra ng Philippine Swimming League (PSL), ang karibal na asosasyon ng Philippine Aquatics and Swimming Association (PASA) na pinamumunuan ni Mark Joseph. Sa kabila ng kaliwa’t kanang tagumpay ni Saavedra, gayundin ng iba pang swimmer mula sa PSL, nananatiling sarado ang pintuan sa kanila ng PASA.
Ang PASA ang kinakatigan ng Philippine Olympic Committee (POC). Ngunit, bago magsimula ang torneo, naipahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia na irerekomenda sa national team ang mga magwawaging atleta sa PNG.
Inalat naman sina national athlete Jomar Angus at Karen Janario.
Hindi natapos ni Angus ang 3,000m steeplechase nang makaramdam ng labis na pulikat, habang aksidente namang sumagi sa kanyang tuhod ang huling hurdle dahilan para matalisod si Janario at mangulelet sa 100m hurdles.
“It was very unfortunate,” pahayag ni UST athletics coach Emmanuel Calipes, patungkol kay Janario, ang reigning UAAP MVP. “We are grooming her to be the best female athlete in the 100m hurdles kaya lang nangyari ang aksidente.”
Hindi naman nagpahuli ang nagbabalik na si Isidro Del Prado Jr. na tinanghal na fastest man sa torneo sa pagwawagi sa men’s 100m sa bilis na 10.87segundo, habang nakamit ni William Galceran ng FEU ang boys 100m (11.18).
Tinalo ni Del Prado ang kapwa national team member na si Anfernee Lopena (10.96) at Rizal Technological University’s Allan Paul Plana (11.34).
Nagwagi naman si Rafael Poliquit sa men’s 10,000m run (32:46.67), Jose Jerry Belibestre ng Negros sa boys long jump (7.23m), Daniella Daynata ng KNHS-Caloocan sa girls Shot Put (10.64m), Langie May Meden ng Davao City sa women’s 100m (14.77) at Rosemarrie Olorvida ng Leyte Sports Academy sa girls 100m (12.95).