MAY isang lalaki na nagngangalang Danny. Siya ay nagmamay-ari ng isang tindahan, at sa loob ng ilang taon sa abot ng kanyang makakaya, tinutulungan niya ang mga taong nangangailangan. Pinupuri siya ng kanyang mga kapit-bahay dahil sa pagiging matulungin at mapagmalasakit.
Dahil sa kanyang kabutihan, binigyan siya ng gantimpala ng Panginoon. Isang araw, nanalo si Danny ng P50 milyon sa lotto.
Dahil sa labis na kayamanan, isinara niya ang kanyang negosyo at bumili na lamang ng isang malaking bahay sa isang sikat na subdibisyon. Ninamnam niya ang lahat ng sarap at kasaganahan sa buhay.
Unti-unting nagbago ang kanyang lifestyle at ang nakalulungkot, nakalimutan na niyang tumulong sa mga taong hirap sa buhay tulad ng kanyang ginagawa noon. Nakalimutan niyang lumingon sa kanyang pinanggalingan. (Hindi ko lang alam kung kumonsulta na siya kela Dra. Belo o Dr. Calayan).
Ang bagong Danny ay madalas mag-happy-happy at gumagastos ng pera kung kelan niya gustuhin. Nakilala niya ang isang maganda at batang babae at niyaya niya itong lumabas. Noong gabing iyon, bumuhos ang malakas na ulan. Habang papatawid sa isang eskinita upang sunduin ang kanyang ka-date, tinamaan si Danny ng kidlat at agad na namatay.
Sa kabilang buhay, sinabi ni Danny, “Lord, matapos ang ilang taong pagsisikap at pagtulong, sinusubukan ko lang namnamin ang buhay. Bakit mo ginawa sa akin iyon, Lord?”
At sinagot siya ng Panginoon, “Oh, ikaw ba ‘yan Danny? Hindi kita nakilala!”
Hindi lamang sa pisikal na aspeto nagbago si Danny kundi maging sa istilo ng kanyang pamumuhay na hindi na siya nakilala ng Panginoon.
Hindi naman tutol ang Panginoon sa pagnanais na maging mayaman o paligayahin ang sarili. Pinapaalala lamang ng Panginoon ang kapahamakang naidudulot ng pera. Sa kaso ni Danny, nalimutan niya ang kanyang pagmamalasakit sa kapwa.
TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI: Ano ba ang nagagawa sa akin ng pera? Napangingibabawan ba nito ang relasyon at oras ko sa Panginoon? Sobra na ba ang pagnanais kong magkaroon ng kayamanan na kailangan ko na maging madaya, magnakaw, pumatay, o gumawa ng ilegal na bagay.
Masyado na ba akong nakatuon sa mga material na bagay at sa aking yaman na nagiging dahilan upang ako’y maging makasarili at balewalain ang mga taong nangangailangan ng aking tulong? (Fr. Bel San Luis, SVD)