Hindi na nakapalag ang isang 34-anyos na pinaghihinalaang miyembro ng gun running syndicate nang posasan siya ng mga pulis na nagsagawa ng entrapment operation laban sa suspek sa Quezon City, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Supt. Jay Agcaoli, hepe ng Quezon City Police District-Special Operations Unit, ang naaresto na si Holster Mariano, alyas “Len”, family driver, at residente ng Area 6, Barangay Botacan, Quezon City.

Sinabi ni Agcaoili na natiklo ang suspek sa buy-bust operation malapit sa kanyang bahay, dakong 9:00 ng gabi nitong Miyerkules.

Ito ay matapos makatanggap ang grupo ni Agcaoili ng impormasyon na may magaganap na bentahan ng armas at bala sa lugar, dahilan upang magtalaga ng mga pulis na magpapanggap na buyer.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Habang nasa aktong inaabot ang P10,000 bilang kabayaran sa caliber .22 rifle na ibinebenta umano ni Mariano, agad na pinosasan ng mga pulis ang suspek.

Nabawi sa suspek ang 75 bala ng caliber .22, 60 bala ng M-16 rifle, dalawang round ng 12-gauge shotgun, at ilang bala ng .38 caliber revolver, ayon sa pulisya.

Sa panayam, todo-tanggi naman si Mariano sa alegasyon at iginiit nito na biktima lamang siya ng “frame up” ng mga pulis.

“Hindi po totoo na nagtitinda ako, na set-up lang po ako. May witness po sa bahay na makakapagsabi na inosente ako,” ayon sa suspek. (Francis Wakefield)