CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Labing-isang miyembro ng kilabot na “Acuña Gang”, kabilang ang leader nito na sangkot sa bentahan ng ilegal na droga at panloloob sa Pampanga, ang inaresto ng mga operatiba ng Angeles City Police Office (ACPO) sa magkahiwalay na operasyon sa Angeles City at Bacolor, iniulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Rudy G. Lacadin ang mga naaresto na sina Marlon Moncada Acuña, 32, umano’y leader ng grupo, at residente ng Barangay Tabun, Angeles City; Yositiro Nebatane, 26, ng Bgy. Cutcut, Angeles City; Gabriel Paguio, 39, ng Bgy. Lakandula, Mabalacat; Dustin Balingit, 25, ng Bgy. Pampang, Angeles City; Marlon Babao, 30, ng Bgy. Lourdes North West, Angeles City; Ryan Marimla, 34, ng Bgy. Ninoy Aquino, Angeles City; Randy Allen David, 40; Aries Austria, 35; Alvin Austria, 47; Hariez Lagazon, 30, pawang ng Bgy. Sta. Trinidad, Angeles City; at Jayson Garcia.

Sunud-sunod na nadakip ang mga suspek sa magkahiwalay na operasyon sa Bgy. Cutcut sa Angeles City at sa Trinidad Village sa Bacolor.

Nasamsam mula sa apartment ng mga suspek sa Bacolor ang iba’t ibang drug paraphernalia, anim na sachet ng shabu, isang brick ng marijuana, at pitong black bag na naglalaman ng 12 branded leather bag, iba’t ibang camera at electronic device, mga branded na relo at sunglasses, isang bullring na namamarkahan ng PO1 Sicat, iba’t ibang wallet at mga appliances, na hindi pa batid ang kabuuang halaga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Pinaniniwalaang nakolekta sa mga nabiktima ng grupo ang nasabing mga gamit. (Franco G. Regala)