LONDON (AP) — Posibleng mayroon nang unang ebidensiya ang mga scientist na ang Zika ay maaaring magdulot ng temporary paralysis, batay sa isang bagong pag-aaral sa mga pasyente na nagkaroon ng bibihirang kondisyon sa panahon ng outbreak ng virus sa Tahiti, dalawang taon na ang nakalilipas.
Nakaaalarma ang pagkalat ng Zika sa buong America dahilan para ideklara ng World Health Organization na global emergency ang epidemya sa hinalang ito ang nasa likod ng pagtaas sa kaso ng birth defects at ng Guillain-Barre syndrome, isang neurological illness na karamiha’y tumatagal ng ilang linggo.
Binalikan at pinag-aralan ng mga mananaliksik sa Tahiti, France at iba pang lugar ang mga blood sample mula sa 42 adult na nasuring may Guillain-Barre syndrome mula sa 2013-14 outbreak; halos lahat ay nakitaan ng senyales ng dating impeksiyon ng Zika.
Ang pananaliksik na ito ay inilathala sa Lancet journal nitong Lunes.
“The evidence that links Zika virus with Guillain-Barre syndrome is now substantially more compelling,” sabi ni Peter Barlow, infectious diseases expert sa Edinburgh Napier University na hindi kasama sa pag-aaral.
Ang Guillain-Barre syndrome ay karaniwang lumulutang pagkatapos ng viral o bacterial infection kayat hindi na ikinagulat na posibleng may koneksiyon ito sa Zika. Nangyayari ito kapag inaatake ng immune system ng katawan ang nervous system, kadalasan sa hindi malamang dahilan. Maaari itong magdulot ng panghihina ng kalamnan at problema sa paghinga; halos 5 porsiyento ng mga pasyente ang namamatay sa sakit. Sa mga pasyenteng naobserbahan sa Tahiti, walang namatay at tatlong buwan matapos umalis sa ospital, halos 40 % ay nakalalakad na nang walang umaalalay.