Nagsimula nang maramdaman ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang negatibong epekto ng pagbulusok ng pandaigdigang presyo ng petrolyo matapos kumpirmahin ng Department of Labor and Employment (DoLE) na kumakaunti na ang job orders sa ilang bansa sa Middle East.
Gayunman, nilinaw ng DoLE na simula noong nakaraang linggo ay wala pa itong natatanggap na report na may mga OFW sa Middle East na natanggal sa trabaho dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa pinag-isang ulat ng mga Philippine Overseas Labor Office (POLO), malaki ang nabawas sa job orders para sa mga OFW sa Eastern Region ng Kingdom of Saudi Arabia, at sa Abu Dhabi at Dubai sa United Arab Emirates (UAE).
Sa Saudi, mula sa 181 job order para sa OFW noong nakaraang linggo ay 93 na lang ito ngayon, at bumaba rin ang bilang ng mga kontratang naproseso—mula sa 665 noong nakaraang linggo ay nasa 516 na lang ito ngayon.
Bumaba rin sa 986 ang job orders para sa mga Pilipinong manggagawa sa industriya ng manufacturing at retail sa Dubai, mula sa 1,067 noong nakaraang linggo.
Gayunman, patuloy naman sa pagdami ang demand para sa mga health at wellness worker, at seafarer sa siyudad.
Ayon naman sa POLO sa Abu Dhabi, bumaba rin sa 65 ang job orders sa lungsod mula sa 223 noong nakaraang linggo.
(Samuel P. Medenilla)