MATAGAL nang ginunita ang National Time Consciousness Week (NTCW), subalit ang kahalagahan nito ay laging ipinagwawalang-bahala, kabilang na rito ang aking mga kamag-aral sa high school. Eksaktong 10:00 ng umaga ang aming tipanan sa isang fast-food eatery subalit 2:00 na ng hapon sila dumating nang ako naman ay nakaalis na.
Dahil sa kawalan nila ng pagpapahalaga sa Filipino Time o pagdating sa eksaktong oras ng tipanan, hindi kami nagkita kahit saglit man lamang bago sila bumalik sa America noon ding araw na iyon. Mahigit tatlong dekada na rin kaming hindi nagkikita. Natitiyak ko na ang ganitong eksena ay nangyayari rin sa iba.
Ang paglalahad ng nabigong tipanan ay nakaangkla sa layunin ng NTCW na makalikha ng kultura ng disiplina sa ating lahat hinggil sa punctuality o pagdating ng mas maaga sa eksaktong oras na pinag-usapan. Kaakibat ito ng pagpapahalaga sa ipinatutupad ngayong Philippine Standard Time (PhST). Ito ang marapat na pagbatayan sa lahat ng ating appointment upang maiwasan ang nakadidismayang paghihintay.
Talamak pa rin hanggang ngayon ang pagpapawalang-bahala ng mga mamamayan sa disiplina sa oras. Sa isang misa sa telebisyon, halimbawa, tandisang sinabi ng isang pari na umiinit ang kanyang ulo kapag atrasado at paisa-isa ang dating ng mga mananampalataya. Sagrado ang gayong okasyon at hindi mistulang pinaghihintay ang Panginoon. Patunay iyon ng pagbabalewala sa oras.
Sa kabilang dako, ang NASA – isang ahensiya sa America na may kinalaman sa pagpapalipad ng spacecraft – ang may matinding pagpapahalaga sa oras. Ang lahat ng galaw ng mga tauhan ng naturang ahensiya, lalo na ng mga piloto o astronaut, ay kailangang on the dot, wika nga. Sapagkat kung hindi, baka mangani ang pagpapalipad sa kalawakan ng mga spaceship. Napatunayan ito nang lumapag sa eksaktong oras ang sinakyang spacecraft ni Astronaut Neil Armstrong sa buwan. Iba ito sa mga eroplanong pampasahero na hindi lamang atrasado kundi paiba-iba pa ang mga schedule.
Taliwas naman ito sa sinasabing pagpapabaya ng ilang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa time on target hinggil sa pagtugis at pagpatay kay Marwan. Hindi umano dumating sa tamang oras ang pagsaklolo sa SAF 44 na pinagbabaril ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Edi sana, nakaligtas sa masaker ang ating mga kawal.
Sa anumang pangyayari, kailangan ang disiplina sa oras. (CELO LAGMAY)